Home » Blog » IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-26 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

ANG MAHIRAP AY NASA PUSO NATIN

LK. 16: 16-31

 

 


 

Sa panahon ng Panginoong Hesus, ang problema ay ang kawalang-atensyon ng mga mayayaman sa mga mahihirap. Ganun pa din naman ngayon. Subalit sa panahon natin, isa pang panganib ang nagaganap. Sa social media, may mga nagtutuon ng pansin sa mga mahihirap, ipinapalabas ang kanilang kadustaan, para makahingi ng donasyon o kaya para tulungan sila… pero kasunod ang kamera o video kahit saan pumunta. Ang tawag dito ay “poverty porn,” isang uri ng pagsasamantala sa katayuan ng mga mahihirap para sumikat o kaya para kumita.

 

Inaasahan ng Panginoon ang mga mayayaman na magpakita ng malasakit sa halip na magkibit-balikat na lang. Ang mayaman sa ebanghelyo ay hindi naman nanakit kay Lazaro; basta wala lang siyang ginawa. Inaasahan din ng Panginoon na ang sinumang tutulong sa mahihirap ay dapat maging malihim sa kanilang ginagawa at hindi gamitin lamang ang mga tao para sa kanilang kapakinabangan.

 

Paano nga ba mahalin ang mga mahihirap? Una, palagay ko ay dapat nating alalahaning tayo mismo ay mahihirap sa mata ng Diyos. Ang kadukhaan ay bahagi ng pagiging tao; tadhana ng lahat. Sino ba ang hindi nangungulila, nababalisa, nagdurusa, nangangailangan? Lahat tayo ay mahirap dahil ang kahirapan ay hindi lang sa pera. Maraming mayayaman na mas mahirap pa ang pinagdadaanan kaysa mga pulubi sa lansangan. Lahat tayo ay dukha.

 

Ikalawa, mabuting mamuhay tayo tulad ng karamihan ng tao, lalo na ng mga dukha. Iyon bang batid nating tayo ay laging nangangailangan ng biyaya ng Diyos. Walang sobrang yaman na hindi na makatatanggap pa – sabi sa atin noon. Kaya nga, dapat mawala sa atin ang kahambugan o maling pagsasarili na tila di na natin kailangan ang kapwa o ang Diyos. Ang mga dukha ay laging sumusuko sa Diyos. Ang mga dukha ay laging nagtitiwala na lahat ng bagay ay dadaloy mula sa kamay ng Diyos patungo sa kanyang mga anak.

 

Panghuli, maging mapagbigay mula sa puso. Maraming hirap magbigay. Paano magbigay? Magkano ang ibibigay? Kailang magbabahagi? Sabi ni St. Mother Teresa, magbigay na may “aray.” Iyong pagbibigay na may kurot hindi lang sa bulsa, kundi mismong sa puso. Magbigay dahil nag-aalala ka sa iyong kapwa; dahil gusto mong maging bahagi ng kanyang pakikibaka sa buhay; dahil mahal mo siya tulad ng pagmamahal ng Panginoon sa mga dukha.

 

Kung tutuusin, lahat tayo ay Lazaro. Subalit ang isang Lazaro man ay kayang maging mas mapagmahal at mapagbigay kaysa sa mayaman niyang kapitabahay.

 

PLS JOIN the following FB groups by liking, following or joining:

 

https://www.facebook.com/groups/2452784104863469  (to get daily inspiration from the great saint and spiritual director – St. Francis de Sales)

 

 

https://www.facebook.com/katesismoko.mahalko  (to grow deeper in knowledge of our Catholic faith through little doses of the Catechism)

THANK YOU!

 

 

 

 

 

1 Comments