Home » Blog » ISANG SAKIT SA SOCIAL MEDIA

ISANG SAKIT SA SOCIAL MEDIA

 

 

Minsan nag-comment ako sa isang FB message ng aking kaibigan. Maya-maya nagulat akong may isang nag-reply sa aking comment na galit na galit at minura pa ako. Ini-report ko ito sa aking kaibigan at agad-agad niyang binura ang post ng basher at pati na din ang kanyang sariling post.

 

Isang laganap ngunit hindi napapansin na sakit ngayon ng marami sa atin ay ang magalit sa post ng iba, at magbulalas din agad ng galit na emosyon sa social media; ang iba pa nga ay nakikisawsaw lang sa galit ng iba o nakikisulsol lamang.

 

May bagong trend sa social media: ang “kultura ng galit, ng pagwawala, at ng poot” na inilalabas sa mga post at comment pero hindi naman maipakita sa harapan o totoong buhay na.

 

Nakaka-ganyak ang mga pagpipiliang i-click na “like,” “dislike,” “heart,” “care,” “haha,” “sad,” “wow,” at “angry.” At lalo na kapag nakitang may comment box na puwedeng maglagay ng anumang saloobin.

 

Parang may bulong ng kaaway na nagsasabi: click na; comment na! Hindi ka naman kilala; hindi ka naman nakikita.

 

Bubulwak ang emosyon at matutuwa ang puso sa palitan ng away, insulto, pangmamaliit, o panlalait ng kapwa. Ito ay isang kasalanang dapat iwasan.

 

Kailangan ang tunay na karunungan at gabay ng Espiritu Santo upang malaman kung ang gagawin mong comment ay talaga bang pakikiisa sa kapwa, pagtatama ng mali, pagtatanggol sa inaapi o baka naman nadadala lang tayo ng “Kultura ng galit, panlalait, at kayabangan” na unti-unting kumakalat ngayon.

 

Paano ito iiwasan? Ayon kay Steve Robinson (Aleteia article, 8/31/22), mabuting tanungin ang sarili:

 

Sapat ba ang nalalaman ko sa bagay na ito?

Ano ang mapapala ko kung patulan koi to?

May pagbabago bang magaganap dahil sa aking reply o comment? Kailangan ba talaga ito?

Kailangan ba ng buong mundo ang aking opinyon?

Ano ang nagtutulak sa akin na makisali dito? Tungkulin ko ba ito?

Ano ang situwasyon ng aking puso ngayon? Payapa ba o may kaguluhan? (kung may kaguluhan, lalong hindi dapat makisawsaw sa thread)

Ano ang maidadagdag ng aking reply sa situwasyon na ito?

 

Kung tapat tayo sa ating sarili, maaaring hindi muna tayo magpanggap na parang Diyos na nakakaalam ng lahat at sa halip ay maging maka-Diyos at maka-kapwa sa ating pakikisangkot sa social media.

 

(Ang post na ito ay inspired ng panulat ni Steve Robinson na nabanggit sa itaas, at isang paglalagom at pagsasalin sa Tagalog ng kanyang mga kaisipan doon.)