Home » Blog » IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-28 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

KILALANIN ANG MGA KETONGIN

LK 17: 11-19

 

 


 

Sa dulo ng ebanghelyo, nangulila ang Panginoong Hesus: “Nasaan ang siyam?” Matapos kasing pagalingin ang sampung ketongin, isa lang ang nagbalik upang magpasalamat. Sino ba ang mga ito? Ano ang kanilang ugali at pananaw sa biyayang naganap sa kanilang buhay?

 

Kabilang sa kanila ang “mareklamong ketongin.” Sila iyong laging may nakikitang dapat punahin at ireklamo sa buhay. Hirap silang magdiwang kasi laging may dapat ibulalas na hirap, sakit o kabigatan ng buhay. Para maging mapagpasalamat, dapat matutong pakawalan ang mga reklamo at pansinin ang mga kagandahan at kabutihan maging sa gitna ng pangit na situwasyon.

 

Nandyan din ang mga “karapat-dapat na ketongin.” Pakiramdam kasi nila dapat lang silang pagalingin ni Hesus. Dapat silang tulungan, damayan at paglingkuran. Para maging mapagpasalamat, kailangang makita na ang tulong ng kapwa ay hindi obligasyon kundi kusang loob na regalo, kabutihan at pagpapala.

 

Sa grupo, tiyak mayroong “mayabang na ketongin.” Hindi niya ugaling kilalanin ang anumang kapangyarihan maliban sa sarili niya. Kahit pinagaling siya, mahirap sa kanyang balikan, lapitan at lumuhod sa Panginoon. Ang mapagpasalamat na tao ay handang mamangha sa kapangyarihan ng pag-ibig, sa kapangyarihan ng Diyos.

 

Maaring meron din sa kanila na “galit na ketongin.” Iniisip nilang maling-mali ang naganap sa kanilang buhay; hindi sila dapat nagdusa kaya masama ang loob nila sa Diyos. Ang galit ang bumulag sa kanila na makita ang alay na pagmamahal. Ang mapagpasalamat ay dapat handang magpakawala ng hinanakit at himutok upang tanggapin at pagtiwalaan ang plano ng Diyos.

 

Nandiyan din ang mga “nagdadalamhating ketongin.” Matagal na silang namatay sa kanilang puso. Tumigil na silang umasa. Wala nang dahilan para magdiwang. Mas gusto nila ang kadiliman ng dalamhati kaysa ligaya ng buhay. Upang maging mapagpasalamat, kailangang masanay na umasa sa liwanag kahit madilim, mag-asam ng galak sa gitna ng dusa.

 

Ang “mapagpasalamat na ketongin” ay nag-iisa. Subalit siya ang taong walang reklamo at walang pakiramdam na dapat siyang tulungan ng iba. Kinikilala niya ang biyayang dumarating. Pinakakawalan niya ang pait ng puso. Tiwala siyang tutuparin ng Diyos ang kanyang mga pangako balang araw. At nang dumating iyon, walang hanggan ang kanyang galak at pasasalamat.

 

Anong klaseng ketongin ka nga ba?