Home » Blog » IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-31 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

PANDAK NO MORE!

LK 19: 1-10

 

(photo from the internet)
 

Batikan siya. Kilala bilang tax collector, makapangyarihan dahil may koneksyon sa mga Romano na namumuno noon sa kanyan bayan. Tanyag bilang mayaman, dahil ang trabaho niya ay sa pera at tiyak nilalapitan siya ng kanyang mga gipit na kapitbahay. Subalit kapag nakatalikod na, si Zaqueo ay may bansag – si Pandak – dahil kulang nga siya sa tangkad at kayhirap nito sa mundong mahilig sa matangkad, sa mahaba, sa malaki, sa dako!

 

Sa ebanghelyo ipinakikilala sa atin ang pinakapandak na tao sa Bibliya; tila ang kaisa-isang itinuro doon bilang pandak. Habang nagninilay, tila naunawaan kong si Zaqueo ay hindi lamang bansot sa pisikal na anyo. Pandak din siya sa iba pang paraan, sa diwang espirituwal at moral.

 

Pandak siya, dahil kulang sa ugnayan sa Diyos. May nawawala sa buhay niya sa kabila ng kanyang kasaganaan at impluwensya. Kaya nga umakyat siya sa puno ng sikomoro dahil naghahanap siya. Nagbabakasakali siyang ang sulyap kay Hesus ang magbibigay ng pag-asa ng pagbabago; na matatagpuan niya ang ugnayan sa Diyos na hinahangad. Nais niyang makita si Hesus at siya naman talaga pala ang hinahanap ng Panginoon.

 

Pandak siya, dahil kulang sa kaligtasan. Nasa kay Zaqueo na ang lahat ng magpapasaya at magpapakuntento sa tao. Sigurado na ang pera sa kaban. Nalilibot din siya ng mga taong nakikipag-kaibigan sa kanya. Pero sa puso niya, dama niya na hindi siya maililigtas ng pera; ni hindi nga ito makapagbibigay ng tunay na ligaya. Dama din niyang sikat lamang siya habang napapakinabangan siya ng ibang tao. Nang pumasok ang Panginoon sa kanyang tahanan, sinabi nitong dumating na ang kaligtasan; ito kasi ang itinitibok ng puso ni Zaqueo.

 

Pandak siya, panghuli, dahil kulang sa direksyon ng buhay. Sikat man pero nakakulong na siya sa maling buhay, materyal na bagay, lumilipas na yaman, at gawaing may kaakibat na kasinungalingan. Kaya pa ba niyang magbago? Kumawala at maging malaya? Pandak siya at kaya hirap siyang umahon sa sariling kinasadlakan niyang lubak na espirituwal at moral.

 

Napansin ng Panginoong Hesus ang pandak, hindi lamang dahil nakatuntong ito sa puno. Kaydami sigurong nakakapit sa mga sanga noon.  Pero hinahanap ni Hesus ang pandak na kulang hindi lang sa tangkad, kundi sa maraming bagay. Siya lamang ang may kapangyarihang magpa-tangkad sa kanya. Ang katapatan ni Zaqueo sa kanyang mga kakulangan ay nakahahahanga. Sana matanggap din natin ang ating kapandakan, ang kakulangan natin sa mga tunay na mahalaga upang tulad niya tamasahin natin ang sulyap ng Diyos na magpupuno at magdadagdag kung anuman ang sa atin ay kulang.