KAPAYAPAAN NG ISIP AT PUSO: PART 6
TEMA 6:
ANG BUKAL NG KAPAYAPAAN AY KABABAANG-LOOB
PANALANGIN
Umayos tayo sa ating pagkaka-upo at ituong ang pansin sa oras na ito ng pagninilay at huminga nang dahan-dahan. Buong paniniwala nating isipin na nakatitig sa atin ang Diyos, ang Ama na laging nagmamahal sa atin. Anyayahan natin siya sa ating puso. Damahin natin sandali ang kanyang presensya.
Sa ngalan ng Ama…
O Espiritu Santo, ikaw ang liwanag, ang mang-aaliw, halina at maging gabay ko sa sandali ng pagninilay at panalangin para sa kapayapaan. Ipadama mo po sa akin ang ganda at lalim ng iyon pagmamahal. Halina, Panginoon, at itatag mo sa aking puso ang kapayapaan at gawin mo akong kasangkapan sa pagpapalaganap nito sa aking paligid. Amen.
REFLECTION 6
Sulyapan naman natin muna ngayon ang mga kaaway ng kapayapaan; unang-una na dito ang kayabangan o pride.
Ang mga mayayabang ay hindi makasusumpong ng tunay na kapayapaan. Akala nila mas magaling sila sa iba; puno sila ng husga at alipusta sa kapwa; nagpapanggap silang kayang-kaya nilang mag-isa at kaya nilang gawin ang lahat nang higit pa sa kakayanan ng iba.
Nais din nilang patakbuhin at pangasiwaan ang buhay nila ayon sa kanilang sariling karunungan, na akala din nila ay superyor sa iba, at naghahakot pa sila ng mas malalaki pang gampanin na akala nila ay masasaklaw pa nila.
Nagpapanggap sila na perfect sila at walang sala, na kung tutuusin ay napakabigat isipin. Lagi silang nag-iisip nitong nakababahalang tanong: “Ano kaya ang iniisip o sinasabi ng iba tungkol sa akin?” At Iniisip nilang ang ibang tao ay kanilang mga karibal o kumpitensya o banta sa kanilang buhay o tagumpay.
Malaki ang panganib na makulong sila sa ilusyon ng pagiging perpekto, ng pagkukunwari sa paggawa ng lahat ng bagay na walang mali o kulang, at ng pagiging pinakamagaling sa lahat na nagdudulot sa kanila ng pagkahapo o stress. Ang pag-iisip na perpekto ang isang tao ay ang pinakamasamang kaaway ng kapayapaan ng puso.
Paano kakaiba ang pananaw ng mga mababang-loob? Kapag natanto ng mapagpakumbaba ang kanilang limit o hangganan, ang kanilang kahinaan, at ang kanilang pagkakamali, agad nilang tinatanggap ito na may mahinahong puso. Kapag may naganap na nagpapatunay na sila ay hindi perpekto o kung madapa man sila sa anumang aspekto ng buhay, hindi sila nasisiphayo o pinanghihinaan ng loob, kundi nananatiling tahimik at kalmado. Tumatayo sila agad at tumatakbo agad na may tiwala sa yakap ng Butihing Panginoon.
Inilalagay ng mababang-loob ang kanilang pag-asa sa awa ng Diyos, hindi sa sarili. Payak nilang tinatanggap na kaya nilang mabuwal, magkamali at mangailangan ng kapatawaran.
Tanggap din nilang wala sa sila sa posisyong iligtas ang sarili, kundi tanggapin ang kaligtasan bilang bukas palad na kaloob ng awa ng Diyos. Masaya sila na nakasandig nang lubos sa kasaganaan ng Diyos.
Ang mayabang ay laging may kaaway sa paligid niya. Kaaway ng Diyos dahil ayaw nilang maging tulad ng maliliit na bata at mahubog sa karunungan ng Panginoon. Kaaway ng iba dahil sa inggit, o sa panlalait nila sa kapwa bilang karibal; lagi silang nakikipagtunggali sa kapwa, na sa bandang huli, ay totoong nakakapagod.
Kaaway ng sarili nila dahil hindi nila matanggap ang kahinaan o karukhaan ng kanilang pagkatao. Kaaway ng buhay dahil sa pagpapanggap na matagumpay sa lahat ng bagay, at sa pagtanggi sa anumang patunay ng kanilang karupukan, kahinaan at kahirapan.
Ang mababang-loob ay payapa sa Diyos. Sumusuko sila sa kanya at nagpapahubog tulad ng mga maliliit na bata. Payapa sila sa kapwa, dahil tanggap nila kung sinuman ang kanilang kapwa at lagi silang bukas tungo sa mga ito, hindi nakikipagtunggali kaninuman.
Ang mga taong ito ay payapa sa sarili dahil tanggap nila ang mga kahinaan at kakulangan, at hindi sila nababahala ng kanilang pagkadapa o pagkakamali.
Payapa sila sa buhay dahil wala silang pagkukunwari tungkol sa pagkontrol o pagsupil sa mga bagay, subalit alam nila kung paano salubungin ang katotohanan at isuko ang saril sa kamay ng Diyos.
GRACE
Ano ang biyayang dapat nating hilingin? Humingi tayo ng biyaya na magkaroon ng diwa ng kababaang-loob at pagiging munti, ng biyaya na huwag masiphayo sa ating mga kakulangan, limitasyon o mga pagkakamali, kungi laging magtiwala sa Diyos lamang.
MULA SA MGA SAKSI:
Naisulat ni San Francisco de Sales: Wala nang mas makakabagabag sa atin maliban sa labis pag-ibig sa sarili at mataas na tingin sa sarili… Bakit tayo naguguluhan kapag nakagawa ng kasalanan o kahit anong kakulangan? Kasi akala natin tayo ay mabuti, matatag, at matibay. At dahil dito, kapag may patunay ng kabaligtaran nito, at nadapa tayong subsob ang mukha sa lupa, tayo ay tuliro, nasaktan, at bagabag. Kung mauunawaan natin ang sarili, magugulat pa nga tayo kung paano tayo nananatiling nakatayo.
Sta Teresa Benedicta of the Cross, OCD: Kung nais mo ng pahinga, huwag mong ihalintulad ang sarili sa iba.
ANG SALITA
Baunin natin sa mga darating na araw ang mga salita ng Panginoon sa Salmo 131: 1-3
Yahweh aking Diyos, ang pagmamataas,
tinalikuran ko’t iniwan nang ganap;
ang mga gawain na magpapatanyag
iniwan ko na rin, di ko na hinangad.
Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!
MANTRA:
Sa maghapong ito, ulit-ulitin natin ang mga salitang:
Mapayapa ako at nasisiyahan,
tulad niyong sanggol sa bisig ni Inay.
Kaya mula ngayon, at magpakailanman,
si Yahweh lang Israel, ang dapat sandigan!
(inspirasyon: Fr Jacques Philippe)