DAKILANG KAPISTAHAN NG KRISTONG HARI K
SINO ANG KARAPAT-DAPAT SA HARI?
LK 23: 35-43
May mga taong hindi karapat-dapat magkaroong ng hari.
Iyong mga tingin sa sarili ay mataas pa sa hari, hindi karapat-dapat magkaroon ng hari. Tulad ng mga pinuno ng mga Hudyo sa ebanghelyo ngayon. “Iniligtas niya ang iba…” pero hindi niya kami kayang iligtas. “Iniligtas niya ang iba” pero wala kaming pakialam. “Iniligtas niya ang iba,” pero hindi namin siya kailangan dahil masaya, kuntento at sapat na ang aming buhay. Ang mga pinuno ng mga Hudyo ay siguradong hindi nila kailangan ang hari dahil masaya silang walang hari.
Iyong mga naghahanap ng pruweba ng kapangyarihan ng hari ay hindi din karapat-dapat magkaroon ng hari. “Kung ikaw ang hari…” ipakita mo muna ang galing mo. “Kung ikaw ang hari,” bulagain mo kami. “Kung ikaw ang hari,” kumbinsihin mo kami bago kami bumilib sa iyo. Ang mga sundalo ay naghihintay ng hari pero gusto nila ay isang hari na sasakto sa kanilang inaasahan.
Iyong mga mas mahal ang sarili at sobrang bilib sa sarili ay hindi karapat-dapat sa hari. “Iligtas mo ang sarili mo at kami…” Sa totoo lang, gusto niya lang makatakas sa kamatayan. Wala naman siyang pakialam sa mga kasama niya. Balewala sa kanya kung makawala man si Hesus sa mga pako at lubid. Basta ang mahalaga, makalusot siya. Ang makasariling tulad niya ay hindi magiging masaya kahit magkaroon ng hari.
Sino ang karapat-dapat magkaroon ng hari?
Iyong tumitig sa mata ni Hesus at nakadama ng dalisay na pagmamahal. Iyong nakaharap si Hesus at nakadama ng pagbabago sa puso niya. Iyong nagdusa katabi si Hesus at nadamang hindi siya iniwan o pinabayaan. Iyong may kapakumbaang magsabi ng: Panginoon, alalahanin mo ako sa iyong Kaharian.
Ang mabuting magnanakaw, sa pagkakilala natin ngayon, ang nakaunawa ng kadakilaan ng Hari sa tagiliran niya. Hindi na siya naghanap ng patunay ng kabutihan o habag. Ang tanging nais niya ay isukong lubos ang sarili sa kanyang pagmamahal at pagpapatawad.
Sa tulad niya, ang pinakamatamis na pangako ay bibitawan: Kasama kita ngayon din sa Paraiso.
Panginoon, pagkalooban mo po ako ng kababaang-loob, bukas na puso at katapatan ng katabi mong magnanakaw.
(request: will you please click the “follow” button on the “Followers” section of this blog? it will be a great help to boost the blog. thank you for your kindness. God bless!)