Home » Blog » IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-32 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

 

HINDI DAPAT MAILANG SA KAMATAYAN

LK 20: 27-38

 


Matapos ang kakaibang karanasan natin sa pandemya, masasabi nating hindi na tayo ignorante sa kamatayan. Bata man o matanda ay dumanas ng lagim nito sa nabalitaan nating mga tao na sa buong mundo na naitumba ng pandemya. At lalo pang naging totoo ito nang maging kakilala o mahal sa buhay ay nadamay na nga. Kung paanong ang mga nakaligtas sa Spanish flu noon ay walang sawang nagkuwento ng kanilang karanasan, ganun din ang gagawin natin habang tayo ay nabubuhay.

 

Ang pagkatambad sa kamatayan ay nagdulot ng sindak: sa paglabas ng bahay, pakikipagtagpo sa iba, sa nadaramang simtomas at iba pa. Isang kaibigan ko ang nagka-allergy sa kagagamit ng alcohol upang huwag magkasakit. Tumaas ang ating pag-aalala sa kalusugan at kagalingan. Mas lalo nating pinahalagahan ang ating buhay sa lupa.

 

Bilang mga Kristiyano, meron ba naman tayong natutunan tungkol sa kamatayan? Para sa marami, ang kamatayan ay isang aksaya ng galing at talento. Isa itong pagkalugi ng lipunan sa pagkawala ng masisipag at malilikhaing tao. Ito ay nakatatakot na paghihiwalay ng mga nagmamahalan. Sabi nga ng aking dating spiritual director, ang kamatayan ay ang huling paalam.

 

Ngayon, binabalasa ng Panginoong Hesus ang ating pananaw. Ang kamatayan ay hindi pagtalon sa paglimot, kawalan, at pagkasayang. Ang Siyang naghihintay sa atin sa kamatayan ay ang “Diyos ng mga buhay” at sa piling niya, palagi tayong mabubuhay. Ang kamatayan ay pagbabalik sa Diyos na nagsugo sa atin sa mundo noong isilang tayo. Babalik tayo sa masaganang pahinga, galak at kapayapaan. Higit sa lahat, ang kamatayan ay hindi pagkawasak kundi lagusan tungo sa tunay at walang hanggang buhay.

 

Ang naranasan natin ay nagturo sa atin na makibaka para mabuhay. Natuto tayong umiwas sa kamatayan, at umasang hahaba ang buhay sa lupa. Subalit kalahati lang ito ng kuwento. Bilang mga Kristiyano, may mas mahalagang gampanin pa: ang manabik at mag-asam na harapin ang kamatayan balang araw. Kasi tiyak darating ang araw na babalik tayo sa tahanan ng Ama at hihimlay sa kanyang mahigpit na yakap at pagmamahal.

 

Mahirap na pagsubok ito, isang hindi madaling isantabi. Subalit pinanghahawakan natin ang mga kataga ng Panginoong Hesus. Naghahanda siya ng silid para sa atin sa langit. Kaya habang naglilibang tayo sa makamundong buhay, tumibok din nawa ang puso natin sa makalangit na tahanan. Amen.