Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A

IKALAWANG LINGGO NG ADBIYENTO A

 

BUMUBUKAL ANG PAG-ASA

MT. 3: 1-12

 


 

 

Ano ang silbi ng pinutol na puno? Ito ang tira-tira ng halamang pinalakol, dating mayabong na puno na ngayon ay nabubulok at malapit nang maging tuod. Pero di ba ginugulat tayo ng kalikasan kung minsang ang bulok na tuod ay biglang nagbabalik-buhay? May tangkay na tutubo; may usbong na namumuo; may katiting na berdeng dahon na sumisilip sa araw at sa hangin.

 

Ipinapahayag ni Isaias (Is. 11) kung paanong sa kawalang-pag-asa, nagaganap ang himala. Kung ano ang itinuring na hindi na magbabago, na kasiphayuang dapat na lamang tanggapin, doon sa tulong ng Diyos, bumubuwelta ng bagong lakas at bagong pagpupunyagi. Nakikita ng Diyos ang patay na kahoy subalit hindi niya ito gagawing upuan o tuntungan. Siya ang Diyos na mapagbigay, laging nagbibigay, laging naghahandog ng pagkakataon, laging humihinga ng pag-asa, laging kakampi ng buhay! Ang tuod ay magiging mayabong na puno ulit!

 

Sa mabuting balita, nakita din ni Juan Bautista ang mga tanda ng kabulukan sa paligid. Tuyot na ang puso ng mga Pariseo at eskriba sa mensahe ng Diyos. Walang pakialam ang mga tao sa pagsisisi, hindi nila daw ito kailangan. Sigurado na daw silang maliligtas dahil kakabit ng pangalan nila ang pagiging piniling bayan, ang pagiging mga anak ni Abraham.

 

Nangaral si Juan tungkol sa Diyos na hindi umuurong sa harap ng pinakamatinding kasalanan at pagtanggi sa kanya. Lalo niyang hahanapin ang mga anak niya. Ipadadala sa kanila ang pinakadakila niyang handog, ang kanyang Anak, at ang kanilang Tagapaglitas, ang Panginoong Hesukristo! Para sa Diyos, ang Israel na matigas ang ulo at tigang ang damdamin, ay hindi pa dapat sukuan. Darating ang Isang magsisimula ng rebolusyon ng pagbabago, pagpapanariwa, at pag-usbong ng pag-asa at buhay.

 

Minsan akala natin hindi na tayo makaka-alpas sa ating mga pagsubok. Minsan akala natin lagi na lang tayong nakatali sa ating mga kahinaan at kasalanan. O minsan ang tingin natin sa kapwa ay hindi na makalalaya sa mapanira at mapanakit nilang kilos at pag-iisip. Gusto nating sumuko sa sarili at sa ating kapwa! Ngayong Adbiyento, nagdadala ang Diyos ng pag-asa na mapapawi din ang dilim at sisikat din ang liwanag. May nabasa ako na ang sabi: “Huwag mong pagkaitan ng pag-asa sinuman; baka ito na lang ang kanyang kinakapitan.” Ganyan ang Diyos sa atin; laging may alay na pag-asang nag-uumapaw. Kailangan lang hilingin, asamin, at tanggapin ang handog na ito.

 

Habang naghahanda tayo sa dakilang kapistahan ng Pasko, hayaan nating buhayin muli ng Panginoon anumang nabubulok sa atin, itayo anuman ang natumba na, ayusin ang nawasak na mga pangarap at mga ugnayan, at pagkalooban tayo ng pag-asa sa ating pakikipagtagpo kay Hesus. Panginoon, buksan mo po ang aming mga puso sa pagdating ni Hesus, ang magpapa-usbong ng pag-asa!

 

(A Friendly Request: will you please click the “follow” button on the “Followers” section of this blog? it will be a great help to boost the blog. thank you for your kindness. God bless!)