Home » Blog » PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON A

PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON A

 

NAKATITIG ANG DIYOS SA ATIN!

LK 2: 1-14

 


 

 

Isipin nga natin ang gulat ng mga pastol! Nagbabantay lang sila ng kawan, lumalaban sa hila ng antok at sa lamig ng hangin. Nang biglang isang anghel, at maraming pang darating, ang nagpakita at nagsabi: “Nakatingin ang Diyos sa inyo mula sa langit!” Ano kaya ang nadama nila noon? Nakatingin ang Diyos sa atin, mga dukha at miserable, hindi kilala at hindi mahalaga, mahihina at makasalanan!

 

Naranasan mo na bang titigan ng iba mula sa malayo? Yung nakatingin siya sa iyo na di mo napapansin? Sabi ng mga manunulat espirituwal, naliliwanagan daw tayo kapag tinititigan tayo, kapag minamasdan tayo na may pag-ibig. Ngayon sa Pasko, masasabi nating hindi lang nakatingin ang Panginoon sa mga pastol, sa mga banal na sina Maria at Jose. Nakatingin ang Diyos sa bawat isa sa atin, kahit hindi natin ito namamalayan.

 

Pambihira at makapangyarihan ang tingin ng Diyos. Noong una pa man, tiningnan niya ang kadiliman at nagkaroon ng liwanag, nalikha ang daigdig, sumibol ang buhay. Pagkatapos tiningnan niya ang ulit ang mundong balot ng dilim ng kasalanan, karukhaan, at pagkamakasarili. Naganap muli ang paglikha, hindi tulad ng dati, kundi bagong paglikha sa kasalukuyan, ngayon, sa sandaling ito. Ang titig niya sa atin ang nagdulot ng liwanag at pagmamahal.

 

Paano ba tinititigan ng Diyos ang mundo, ang mga anak niyang minamahal? Nagmamasid siya sa pamamagitan ng Anak, ng sanggol sa Belen. Itong Anak, si Hesus, ang mukha ng Ama, ang mga mata ng ama, na laging nakangiti sa bawat isa ngayon! Nakatingin ang Ama sa atin sa pamamagitan ng Anak. Kaya nga sa puso natin, may lugar doon na ang Anak lamang ang makapapasok at makapupuno. Kailangan natin ang kanyang pagmamahal, kapayapaan, at pakikipagkaibigan.

 

Into ang ginawa ni Hesus noong unang Pasko. Sa pagiging tulad natin, karaniwan, ordinary, simple… ibinahagi niya ang ngiti ng Diyos, ang titig ng Diyos, ang pagnanasa ng Diyos na makipagkaibigan. Kaygandang pag-isipan sa Pasko! Nakatingin ang Diyos sa atin na may pagmamahal sa pamamagitan ni Hesus at dinadala tayo sa lalong malalim na pakikipagkaibigan, pakikipag-ungnayan, at pakikipagkaisa bilang pamilya.

 

Sa ating pagdarasal ngayon at sa mga darating na araw, simulang isipin na nakatitig ang Diyos sa ating buhay. Isiping nakangiti si Hesus sa lahat ng ating ginagawa, inaasaam at pinapangarap. Pupunuin niya tayo ng karangalan at kagandahan kahit anong dumi, anong hina, at anong gulo pa ng ating buhay. Manatili sa katotohanang ito: Nakatingin ang Diyos sa iyo!

 

 (A Friendly Request: will you please click the “follow” button on the “Followers” section of this blog? it will be a great help to boost the blog. thank you for your kindness. God bless!)