Home » Blog » ANO ISYU MO? PART 7: PROBLEMA KO ANG ASAWA KO, LORD!

ANO ISYU MO? PART 7: PROBLEMA KO ANG ASAWA KO, LORD!

 

Kung punung-puno ka na at tila said na talaga sa ugali ng asawa ko, may mga paraan para dalhin mo ito sa panalangin.

 

Maaari mong hilingin sa Diyos na ipakita sa iyo kung gaano kahalaga sa iyo ang iyong asawa. Pagninilayan mo ang mga mabubuting ginawa niya sa iyo, ang magagandang ala-ala ninyo sa mga nagdaang taon, at pasasalamatan mo ang Panginoon sa bawat bagay na ito.

 

Maaari mo din hilingin sa Panginoon na ipakita sa iyo ang paraan ng pagpapahayag mo ng pag-ibig mo sa iyong asawa. Upang panatiliing sariwa ang pagsasama, maaari mong subukan ang mga bagong paraan ng pagpaparamdam nito sa kanya. Sulatan mo ba siya ng isang liham, o maikling note, o bigyan ng kahit maliit na regalo. Maaari ka sigurong magsipag pa ng konti sa pagtulong sa gawaing bahay. O kaya magbigay ng konting papuri sa mga ginagawa niya.

 

Maaari mo ding ipagdasal ang iyong asawa, itaas siya sa panalangin at hilinging ang basbas ng Panginoon para sa kanya.

 

Maaari mo ding hilingin sa Panginoon na ipakita sa iyo ang mga paraang nakaka-irita ka na sa kanya. Hindi naman kasi ikaw perpekto. Humingi ng patawad sa Panginoon at ng lakas ng loob na magbago paunti-unti.

 

Maaari mo ding tuklasin mula sa Panginoon ang mga dahilan kung bakit ba madali ka nang mabuwisit sa asawa mo. Bakit ang dali ng uminit ang ulo? Ano ang meron sa iyo na dapat baguhin upang huwag laging sumasabog kapag nagkikita kayo?

 

Maaari mo ding tuklasin kung paano mo ginugugol ang iyong oras. Baka kailangan mo ding lumayo minsan at mag-isa para makahinga-hinga sa istres ng buhay may asawa. O mag-isip ng paraan ng pagkakaroon ng quality time kasama siya sa ibang kapaligiran o ibang gawain naman.

 

Maaari mo ding pag-isipan kung ano ba talaga ang inaasahan mo nung pakasalan mo siya. Minsan nabibigo tayo kasi akala natin ito yung tao na siyang magpupuno ng kulang sa buhay natin na hindi naman pala niya kayang gawin ngayon. Sa panalangin mo, isipin mo kung ano ba talaga ang ninanais mong maging perfect na asawa sa isip mo at tanungin ang sarili kung makatotohanan bang hanapin mo ito sa kanya. Baka hindi lahat ng inaasahan mo ay kaya niyang ibigay kundi yung konti lang o yung ibang bagay lang. Baka minsan ikaw ang dapat pumuno ng iyong mga sariling pangangailangan kaysa iasa ito sa iba.

 

Sa huli, magpasalamat sa Panginoon, purihin siya sa kaloob niya sa katauhan ng iyong asawa at hilingin na kahit hindi ito perpekto, pinagtagpo pa din kayo ng Panginoon bilang regalo sa isa’t-isa. Maging karapat-dapat ka nawa sa regalong ito ng Diyos.

 

Natural ibang usapan kapag may karahasang nagaganap sa inyong buhay. Dapat na din itong isangguni, hindi lamang sa Panginoon, kundi sa mga taong mapagkakatiwalaan.

Pag isipan ang mga quotations na ito:

 

May problema ang iyong buhay may-asawa, kasi nandyan ka!

 

Ang perfect na pag-ibig ang pinakamagandang kabiguan!

 

Col 3: 12-15

 

Kaya nga, dahil kayo’y hinirang ng Diyos, minamahal niya at pinili para sa kanya, dapat kayong maging mahabagin, mabait, mapagpakumbaba, mahinahon, at mapagtiis.  Magpasensiya kayo sa isa’t isa. Kung may hinanakit kayo kaninuman, magpatawad kayo gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Panginoon.[b]  At higit sa lahat, taglayin ninyo ang pagmamahalan, na siyang nagbubuklod sa lahat sa ganap na pagkakaisa.  Paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat iyan ang dahilan kung bakit kayo tinawag sa iisang katawan. Magpasalamat kayong lagi.