Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-APAT NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

 

BAKA AYAW MONG MARINIG?

MT 5: 1-12a

 


 

 

Dating nagsisimula ng meeting ng paaralan ang chaplain na may pagbasa ng ebanghelyo at pagninilay. Karaniwang inilalapat niya ang pagninilay sa mga kaganapan sa paaralan. Hindi lahat ng tao ay nasisiyahan dahil minsan pakiramdam nila ay sa kanila tumatama ang aral ng Salita ng Diyos. Kaya sa sumunod na meeting, pinagbawalan ng principal ang chaplain na muling magbahagi ng ebanghelyo, at magsimula na lamang ng meeting sa isang maikling panalangin.

 

Nahaharap tayo ngayon sa Panginoong Hesus bilang makapangyarihang mangangaral at guro. Isinisiwalat niya ang puso ng kanyang mensahe, ang sentro ng kanyang mga aral. Ibinibigay niya sa atin ang tinatawag na Beatitudes (Ang Mapapalad). Kung papansinin, ang “Mapapalad” sa pananaw ni Hesus ay hindi tugma sa mga itinuturing na masuwerte sa tingin ng daigdig natin. Nakagugulat at kakaiba ang pamantayan at kalooban ng Diyos.

 

Gaano kahalaga ang aral na ito ng Panginoon ngayon? Balikan natin ang naganap. Si Hesus ay umakyat sa bundok at saka naupo upang magturo. Parang balik-tanaw ito kay Moises na nagturo din sa mga tao ng batas ng Diyos mula sa bundok maraming taon na ang nakalilipas. Subalit hinihigitan pa ng Panginoong Hesus ang aral ni Moises dahil hindi ito mga batas na iuukit sa bato tulad dati, kundi mga aral na itatampok sa puso ng bawat tao.

 

Pakinggan o basahin mo ang ebanghelyo. Makikita mong ang mga salita nito ay maingat na pinili at ipinahayag… at kakaiba! Nalulugod daw ang Diyos sa mga dukha, nagluluksa, nagsusumikap para sa katarungan, mahabagin, malinis ang puso, at iba pa. Kaygandang mga salita, subalit katanggap-tanggap din kaya? Kaya ba natin harapin ang mga ito? Inaaliw o binabagabag ba tayo nito ngayon?

 

Kung ang ebanghelyo ay mga matatamis at nakakikiliting mga salita lamang, ang dami sigurong magsasaulo, magbabahagi at magsasabuhay nito agad. Subalit ang “Mapapalad” ay may kagat, may talab at may hamon sa sarili nating mga pinahahalagahan. Nagtatanong ito kung tugma ba ang mga ideya ng Diyos at ang ating sariling kaisipan at paninindigan. Para sa marami, ang karunungan ng “Mapapalad” ay madaling pagdudahan, balewalain, at tanggihan. Hindi ito madaling yakapin at itaguyod sa lahat ng oras ng ating buhay, aminin natin iyan.

 

Basahin natin muli ang ebanghelyo kapag nag-iisa tayo anumang araw ng linggong ito. Manatili at magnilay dito. Naaakit ka ba sa mga katangian nabanggit? Kaya mo bang subukan ito? May magiging hadlang kaya? Now na ba o saka muna? Panginoon, tulad ng pagbibigay ni Moises ng batas na nakaukit sa bato, itulot mo pong ang bagong batas mo, ang “Mapapalad” ay maitatak sa aking puso… unti-unti at dahan-dahan. Amen.

image from the internet; thanks!

#ourparishpriest 2023