IKA-PITONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
MGA BALAKID SA PAGMAMAHAL
MT. 5: 38-48
Nagkakaisa ang mga pagbasa ngayon sa isang bagay: nais ng Diyos na tayo ay magmahalan. Paano ba tratuhin ang kapwa? Sagot ng unang pagbasa: mahalin mo ang kapwa gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili. Paano naman ang kaaway? Sagot ng Panginoong Hesus: Mahalin mo ang kaaway mo at ipagdasal ang umuusig sa iyo.
Sa ating karanasan, hindi madaling magmahal, kahit sa mga taong nagmamahalan pa nga. Marami kasing balakid sa pagmamahal, iba’t iba ang bahagdan at sidhi, na madaling maghiwalay at maglayo sa atin sa isa’t-isa. Alin dito ang nakikita mo sa sarili mo?
May mga taong madaling magtampo. Kaunting masabi o magawa ng iba na hindi mo gusto, masama na agad ang loob; nagmamaktol, nang-iisnab, nagmumukmok na. Ang iba naman madalas masuklam sa iba; alerdyik na kahit marinig lang ang pangalan ng kapwa, at lalong iiwasan pa na parang maysakit kapag nakita ang kinaiinisan niya.
Mayroon ding nagkikimkim ng galit sa puso na kapag sumabog ay nagdudulot ng masasakit na salita, pagsugod at kontrontasyon, at hamunan ng suntukan. Kung tahimik mang magalit ang iba, unti-unti naman silang nawawalan ng saya at nanlulupaypay sa kalooban. At kapag sobra na ang galit, nagiging pagkamuhi o pagkapoot naman ito, na mayroong marahas na pagnanasang manakit, mamahiya, o iligpit ang kaaway. Sa huli, nandyan ang kawalang-bahala, kawalang-pakialam, kung saan ang kapwa ay hindi lang iiwasan kundi hindi na papansinin na tila hindi na ito nabubuhay. Aling balakid ng pagmamamhal ang naranasan mo na, ngayon man o dati?
Madaling unawain na bilang tao, gusto nating ingatan ang sarili sa pananakit ng ating kapwa, totoo man o nasa isip lang. Gusto nating huwag mabigo, mapagtaksilan, o masaktan. Subalit kung kakapit tayo sa balakid sa pagmamahal, tayo ang talo dahil tayo ang huling masasaktan. Hindi tayo nagiging totoo sa dahilan ng ating pag-iral sa mundo – na maging larawan ng Diyos; at sabi nga ng Panginoong Hesus, maging ganap tulad ng Ama natin sa langit.
Sa halip na tampo, galit o poot, subukan natin ang lunas na nagpapagaling, nagpapalaya, at nagdudulot ng kapayapaan. Hilinging natin sa Panginoon ang biyayang magmahal sa kapwa, maging sa kaaway. Habang tinatanggap natin ang pagmamahal niya araw-araw, magkalakas loob din nawa tayong magmahal kahit mahirap, kahit masakit, at lalung-lalo na kapag masakit. Amen. (ourparishpriest 2023, photo: fr tam nguyen)