Home » Blog » IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A  

IKALIMANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A  

 

KUROT NG ASIN… KURAP NG ILAW

MT 5: 13-16

 

 

 

Nagwala at nanakit ng mga kalaban ang isang basketbol player ng isang school dahil sa mainit na laro. Subalit hindi pala ito ang unang pagkakataon na naganap ang ganito. Nakipag-away na din siya sa mga nakalipas na laro laban sa ibang paaralan. Naglabasan tuloy ang panawagan upang disiplinahin, patalsikin, at supilin ang player. Nakakagulat namang may ilang tao, kasama na ang coach ng nasaktang mga players, ang nagpahayag ng pag-aalala sa katayuan at kinabukasan ng player. Dapat daw itong bigyan ng tamang tulong, tulad ng counseling, upang makabawi at makausad muli.

 

Sa mundo ngayon, mas madaling manaig ang kapaitan ng damdamin. Ang dali na kasing maghiganti, manghusga at manira ng pagkatao sa social media. Madali tayong matangay at ma-manipula ng mababaw na pagsuri at kulang na pang-unawa sa mga pangyayari man o sa mga tao.

 

Sa mabuting balita, hinahamon ng Panginoong Hesus ang kanyang mga alagad sa ibang uri ng pag-iisip at pagkilos. Kung saan matingkad ang pait, matindi ang asim, o laganap ang tabang, maging isang kurot ng asin na makapagpapaganda at makapagsasaayos ng lasa. Kahit konting asin ay malaki ang nagagawa sa nagkamaling lutuin.

 

Sa mundong kaydaling mabulag sa lambong ng marahas na husga at sa makulimlim na ulap ng kayabangan, maging isang kislap ng liwanag na maaaring magdala sa mga tao na makasilip sa anumang nasa ilalim at mamasdan ang nakatago sa loob, upang matuklasan ang hindi nauunawaan. Kahit munting kislap ng ilaw ay kayang magpayapa ng damdamin at magbigay ng katiyakan sa puso.

 

Makikita nating hindi naman naghahanap ng sobra ang Panginoon. Hindi niya sinabing kailangang maging “magic sarap” agad tayo sa rekado. At hindi rin niya inaasahang maging poste tayo ng Meralco. Konting asin lang… konting liwanag lang. Kahit ang mga maliliit na pagsisikap na ito, kung gagawin nang may pagmamahal at katapatan sa ating sarili bilang Kristiyano ay makapagsisimula ng malaking pagbabago at pang-unawa sa mundo.

 

Alamin natin ang nagaganap sa ating paligid at kung tayo ba ay nagiging asin sa gitna ng nakakasakit, nakakapaghiwalay, at nakakasugat na mga ugnayan. Tayo kaya ay nagiging ilaw sa gitna ng madilim na panghuhusga, pag-kondena at pag-pwera sa kapwa? Tanggapin natin ang ating gampanin na gawin ang daigdig na mas mabuti, mas ligtas at mas payapang lugar, dahil sa ating pagsunod sa Panginoon.

 #ourparishpriest 2023

image from the internet; thanks