MAGWAGI SA TUKSO TULAD NI KRISTO, PART 1
HINDI LAMANG SA TINAPAY NABUBUHAY ANG TAO (MT 4:4)
Binanggit ng Panginoong Hesus ang mga salitang ito bilang panlaban sa tukso ng demonyo na pilitin siyang gawing tinapay ang bato. Naganap ito sa dulo ng apatnapung araw at gabi ng pag-aayuno sa ilang, kung saan ang Panginoon ay nagutom – sobrang gutom, malamang nanghihina na sa gutom.
Isang paraan ng pagtukso ng demonyo ay ang pag-aalay sa atin ng maraming tugon sa ating pangangailangan. Bilang tao, kaydaming pisikal na pangangailangan para mabuhay. Una dito ang pagkain at inumin. Subalit maging ang kalam ng sikmura ay hindi una sa pang-unawa ni Hesus. Sa isang taong matagal na nag-ayuno at hindi kumain, ang kailangan ay hindi walang habas na piyesta at piging. Ang pagtigil ng ayuno ay nangangailangan ng unti-unti munang pagkain at inumin.
Sa panahon natin, nalilibot tayo ng sangkatutak na pagpipiliang pagkain, ang iba hindi pangangailangan kundi luho na lamang ng katawan. Alam natin yung “mukbang,” yung paglamon ng bundok bundok na masasarap na pagkain, hindi dahil gutom kundi upang mapasaya lamang ang panlasa, ang mata, ang katakawan at mapatunayang kaya kong bilhin lahat iyan.
Ang tinapay sa Mabuting Balita ay hindi lamang literal na pagkain. Tumatayo din ito sa lahat ng materyal na bagay na kumikiliti sa ating pagnanasang mag-angkin, mag-imbak at magkaroon. Ang nagsimulang libangan nagiging hindi mapiligilang kahibangan. Ang dati ay naakit lamang ay humahantong sa nakawawasak na pagkalulong at pagkahumaling na.
Ang tao, nilikha sa wangis ng Diyos, at minarapat na maging panginoon ng sangnilikha, ay naging alipin ng materyal at pisikal na mga bagay lamang. Nakapagpapaligaya ba ang mga ito sa tao? Tunay na nagdudulot ito ng pakiramdam na masaya, mayaman, ligtas at makapangyarihan ka nga, pero kung aaminin, ang mga ito din ang sanhi ng pakiramdam na laging kulang, ng takot na mawala, ng sindak na magbigay at magbahagi.
Ngayong Kuwaresma, napakagandang alalahanin ang simpleng mga salita ng Panginoong Hesus na nakapagpahiya sa demonyo at sa tukso nito sa materyal na bagay at mga kagustuhah. HINDI LAMANG SA TINAPAY NABUBUHAY ANG TAO.
Anong materyal na bagay ang pinanghahawakan mo sa buhay ngayon? Anong pagnanasa ang nagtutulak sa iyong mag-angkin at magkamal nang higit sa dapat? Anong pangangailangan ang tila palaki nang palaki at nagdudulot sa iyo ng pakiramdam na natatalo ka na nito at hindi mo na ito kayang pakawalan? Tao man, ari-arian, pangarap, o mga kagustuhan… mga tinapay na tukso sa buhay… hindi makapagdudulot ng kapayapaan at kalayaan na nagmumula sa “bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.”
Ngayong Kuwaresma, sa katahimikan ng pagninilay, isuko natin ang mga tinapay na ito na pumipigil sa ating mabusog sa Salita ng Diyos. Gawin nating gabay sa pananalangin ang mga salitang binanggit ng Panginoong Hesus para sa ating tagumpay at lakas laban sa tukso at kasalanan.
ourparishpriest 2023