Home » Blog » TUNGKOL SA FASTING

TUNGKOL SA FASTING

 

PAKAININ DIN ANG KALULUWA

 

Napakaraming namamatay sa kanser at sakit ng puso ngayon dahil sa maling kinagawian. Paninigarilyo, sobrang kain, konting exercise ang papatay sa atin. Dahil kulang sa pagpipigil, tayo ang nagdudulot ng paghihirap sa sarili. Ang laki ng negosyo ngayon ng gamot, babasahin sa pagdi-diyeta at sa membership sa mga gym pero kulang pa din ang disiplina ang mga tao.

 

Sa panahong sobra ang konsumerismo nakalimutan na ang halaga ng espirituwal na pagpipigil ng sarili na importante sa mga relihyon tulad ng Kristiyanismo, Hinduismo, Islam at Budismo. Ang kawalan ng disiplina sa sarili ang dahilan ang madaling pagpanaw sa mundo. Ang mga laging nage-exercise ay mas malaki ang tsansang humaba ang buhay. Ang sobrang pasarap sa sarili at kawalang disiplina naman ang kikitil sa atin. Karamihan sa mga relihyon ay nagtuturo na ang pagpipigil ng sarili sa pagkain at inumin ay mahalaga. Ang fasting o pag-aayuno at ritwal na disiplina sa pagkain ay dito pumapasok.

 

Ang magpigil sa pagkain ay tila malaking kalokohan sa panahon natin na ang paanyaya ay laging kumain, lumapang, lumamon. Ang hirap nga mag-diyeta. Bakit kailangan pang dagdagan ng ayuno o fasting? Hindi ba mas importante ang maging masaya kesa mag-ayuno? At hindi ba pagkain ang isa sa masasayang gawain? Bakit nakikialam ang mga relihyon sa ipinapasok natin sa tiyan natin?

 

Lahat ng hayop ay kumakain, pero tao lang ang namimili kung ano ang pagkaing malusog at masarap. May mga taong ayaw kumain ng karne. Ang mga Katoliko ay umiiwas sa karne tuwing Biyernes ng Kuwaresma at naga-ayuno pa kung Mierkules ng Abo at Biyernes Santo.  Ang mga Hindu ay hindi kumakain ng baka at ang mga Hudyo at Muslim naman hindi kumakain ng baboy. Sa pista ng Yom Kippur, ang mga Hudyo ay hindi kumakain o umiinom ng 24 oras at sa Ramadan, ang mga Muslim ay naga-ayuno mula sa pagkain, inumin at pakikipagtalik pagputok ng araw hanggang sa paglubog nito.

 

Ano ang naituturo sa atin ng pag-iwas sa mga pagkain at paga-ayuno sa pagkain o fasting? Ano ang magandang dulot nito?

 

Kaya natin ito!

 

Maraming bunga ang fasting. Nagtuturo ito ng awa at habag sa kapwa. Kapag naranasan mo ang gutom doon mo mauunawaan ang dinadanas ng mga tao sa mahihirap sa paligid mo at sa buong mundo. Sa karanasang ito ang magtutulak sa atin upang kumilos at tumulong. Ang fasting ay nagkakaroon ng halagang moral kung nagiging mahabagin at matulungin tayo sa ating kapwa (Is. 58: 6-7).

 

Marami ang nag-aakala na hindi nila kaya ang mag-fasting dahil napakahirap nito. Subalit ang pakiramdam ng gutom ay munti lamang. Mas mahirap pa diyan ang sakit ng ulo, ang tagtag na masel sa exercise, at ang sakit ng ngipin. Ang nagpapahirap sa fasting ay iyong libot tayo ng maraming pagkain na naghihintay na lang isubo. Ang susi sa fasting ay tatag ng pagpapasya na huwag kainin ang nasa paligid mo. Kung gagawin ito, lalakas ang pagpipigil ng sarili at magiging amo tayo ng ating katawan. At mahalagang mapatunayan natin ito sa ating sarili.

 

Isa pang biyaya ng fasting ay ang kalusugan ng katawan. Natural na ang isang araw na fasting ay walang epekto tulad din ng isang araw lang ng exercise. Iyon lamang nakaugalian at regular na fasting ang magpapaganda ng pisikal na kalusugan. Ayon sa pananaliksik, maging ang mga hayop na kinokontrol at binabalanse ang pagkain ay humahaba ang buhay. Ngayon pa naman, kasama sa mga pagkain natin ang napakaraming mga kemikal.  Sa lipunan na ang ipinagyayabang ay sobrang kasaganaan, ang fasting ay nagtuturo ng halaga ng pagtalikod sa sarili.

 

Ang daming problemang dulot ng sobrang pagkain tulad na lamang ng diabetes. Nagdudulot ang diabetes ng pagkabulag, sakit sa bato, sa puso, sa ugat, ng pagputol ng paa, at maging kamatayan. Kalat na ang mga sakit na dulot ng sobrang katabaan at ng maghapong pag-upo at paghiga lamang. Ilang Pinoy kaya ang sobra sa timbang? Ang hindi nage exercise? 

 

Ang pagliban sa pagkain o inumin ng isang araw ay may benepisyong espirituwal din na matutunan ang aral na ang “mas kaunti ay mas mabuti.” Sa konsumerismong mundo, babad tayo sa mga anunsyo na nagsasabing dapat bilhin ito, kunin iyon, isuot ito, at kainin iyon. Sa fasting, sinasabi naman nating malaya tayo sa mga panlabas na bagay, maging sa pagkain pa. Kung kaya mong iwasan ang pagkain, mas lalo mong maiiwasan ang higit na mababa ang halaga sa buhay mo. Lalaya ka sa pagkapit sa maraming materyal at panlabas na bagay.

 

Mabuti sa kaluluwa

 

Bagamat madalas tayong pinaaalalahanan ng mga turo ng nakaraang henerasyon (na ang paghihirap ay landas sa pagsulong; na ang buhay na walang problema ay hindi magdadala sa kadakilaan), marami pa din ang nag-aakala na ang maging masaya at komportable ang pinakamahalaga sa lahat. Ang fasting at sakripisyo ay nagtuturo sa atin na maunawaang ang pagdurusa ay may halaga. Importanteng pag-isipin ito ngayong Kuwaresma.

 

Bagamat mahalaga ang fasting bilang sakripisyo at bilang pagbabayad-kasalanan, mas mahalaga pa din dito ang buhay kabanalan at pagiging mahabagin sa kapwa. Kaya nga para sa mga relihyon na nagtuturo ng fasting, mahalaga din ang pagtulong sa kapwa o kawanggawa. Ang fasting na hindi nagpapatingkad ng pagkamaawain ay balewala sa mata ng Panginoon.

 

Mahalaga ang fasting sa kaluluwa at espiritu ng tao. Ang hindi sanay mag-fasting ay madaling mapanghina ng konting gutom. Mahalaga sa nagpa-fasting na tuloy pa din ang mga gawain sa maghapon at maglaan ng panalangin sa gabi o umaga. Ang fasting ay isang personal na pag-aalay sa Diyos. Ang pagpipigil sa pagkain ay nagtuturo ng disiplina at nagdadala sa kaligayahan. Hindi ganito ang pangako ng pagpapasasa sa pagkain.

 

Panghuli, ang fasting ay dapat may kasamang panalangin o debosyon tulad ng pagbabasa ng Bibliya o ng mga dasal.

 

 #ourparishpriest 2023