Home » Blog » ANONG ISYU MO? PART 10: UMAGA NA NAMAN!

ANONG ISYU MO? PART 10: UMAGA NA NAMAN!

Kumusta ba ang gising mo kapatid? May mga pagkakataon na halos tumalon na tayo sa sigla paggising natin sa umaga. Pero bakit marami din ang pagkakataon na halos ayaw mo nang imulat ang mata mo at harapin ang isang bagong araw?

E paano ba naman, nang mahiga tayo kagabi, dala-dala natin ang mabibigat na pasanin ng buong maghapon. At dahil nga dito, pabiling-biling tayo sa kama, at pagising-gising pa sa magdamag kaiisip. Ang daming nagaganap na tila hindi natin talaga kayang pigilin at kontrolin at ito ang kapiling natin maging sa dapat ay atin na ngang pagpapahinga at pagtulog.

Subalit magandang isipin na kahit ganito ang nagaganap, ang bawat umaga ay kaloob ng Panginoon sa atin. Kaya kahit mahirap, bumangon na at maghilamos at magsepilyo; isipin nating sa bawat dampi ng tubig sa ating mukha at sa bawat mumog sa ating bibig, tila ba ito ay ang pangako ng Panginoon na sa araw na ito, sa umagang ito, Siya at tayo, ang naghuhugas, nagpapalis, nagpupunas ng ating mga alalahanin at mga bitbit na pagsubok sa buhay.

Bawat umaga, damahin ang iyong hininga bilang karugtong ng hininga ng Diyos na nagpapanatili at nagpapakalma sa alon ng mga suliranin na kaakibat ng buhay. Kaya nga, maganda na paggising sa umaga, huwag muna buksan ang telebisyon o radio, huwag munang kalikutin ang cell phone, huwag munang mag-check ng social media.

Bilang Kristiyano, bilang Katoliko, napakaganda na panatiliin muna ang konting katahimikan ng puso at maging ng kapaligiran. Mag-alay ng panalanging pang-umaga, panalangin na nagsasaad ng ating paghahandog ng buhay sa maghapong ito, sa mapagmahal at mapagpalang kamay ng ating Ama sa langit.

May panalangin na natutunan ko sa mga madre sa paaralan na napakagandang simula ang bawat araw. Tinatawag itong Pag-aalay sa Umaga o Morning Offering, at ito ang panalangin ng mga kasapi ng Apostolado ng Panalangin:

O Hesus ko, sa pamamagitan ng Kalinis-linisang Puso ni Maria, inaalay ko sa Iyo ang aking mga panalangin, gawain, katuwaan, at tiisin sa araw na ito kaisa sa Banal na Sakripisyo ng Misa sa buong daigdig. Iniaalay ko iyon para sa mga kahilingan ng Iyong Mahal na Puso, sa kaligtasan ng mga kaluluwa, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkakaisa ng mga Kristiyano, at higit sa lahat, para sa mga kahilingan ng Santo Papa sa buwang ito. Amen.

O kaya, itong panalangin ni San Ignacio de Loyola, na tinatawag na Suscipe (Kunin Mo, O Diyos):

‘Kunin Mo Poon itóng

buô kong kalayaan,

Tanggapin ang gunitâ,

isip ko’t kalooban.

Sa Iyó namán galing

tanàng hawak at tagláy,

Sa Iyó ko rin mulîng

ang lahát ináalay.

Buông kusàng-loob kóng

isinusuko sa ‘Yó,

Ikàw na ang magpasyà

nang ayon sa loób Mo.

Pagbigyán Mo lang ako

na Ikaw ay mahalin,

Sapát na ‘tong biyayà,

walâ nang híhilingín.’

—San Ignácio de Loyola (salin ni Fr Albert Alejo, sj)

Sa pag-aalay natin ng umaga sa Panginoon, isipin ang lahat ng pagkabagabag nang nakaraang gabi at ituring na napakaliit ng mga ito sa liwanag ng bagong umagang bigay sa Iyo ng Panginoong Hesus. Purihin mo ang Diyos na magbibigay sa iyo ng lakas at liwanag upang isaayos ang lahat ng bagay. Ipangako mo sa Panginoon na ibibigay mo din sa kanya ang lahat mong lakas at pagmamahal sa araw na ito at ipagkatiwala mo ang lahat ng magaganap sa kanyang kamay.

Tandaan natin ang sinasabi ni San Pablo sa Rom. 8: 35-37:

Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan?  Ayon sa nasusulat,

“Dahil sa inyo’y buong araw kaming pinapatay,

turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”

Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo’y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap…

Magandang umaga! AMEN!

ourparishpriest 2023