Home » Blog » ANONG ISYU MO? PART 12: LORD, GABI NA!

ANONG ISYU MO? PART 12: LORD, GABI NA!

Mahiwaga ang gabi. Paglaganap ng dilim, ang daming paniniwala, kakaiba ang pakiramdam, at sari’t-sari ang mga kuwento o salaysay ng mga tao. May mga taong masaya pag gumagabi na dahil panahon na ng gimik kasama ang mga barkada, oras na para maglaboy-laboy sa sa lansangan kasama ang mga kaibigan, tapos na ang maghapong trabaho at kapaguran. Pero maraming tao ang takot sa gabi – ayaw lumabas ng bahay dahil baka mapahamak, nasa loob lang ng bahay at doon nagpapalipas ng magdamag.

At paano nga ba natin pinalilipas ang magdamag? Paano natin sinasalubong ang gabi? Totoo na maraming takot kapag gumagabi na. Isipin mo na lang na pati ang barakong lalaki o mataray na babae hindi makapunta sa toilet nang nag-iisa o nang hindi nakasindi lahat ng ilaw, dahil natatakot sa kung ano. Kahit sa loob ng kuwarto, bata at matanda ay takot sa gabi na tila ba may bagay na nandoon kahit hindi mo nakikita. Kaya may mga taong hirap matulog sa gabi, dahil parang hindi madali na ipaubaya ang sarili na walang anumang kontrol o kapangyarihan sa sarili mong buhay.

Sa Ingles, may dasal ang mga bata na ang sabi: If I should die before I wake, I pray the Lord my soul to take (Kung mamatay man ako sa halip na magising, tanggapin nawa ng Diyos ang aking kaluluwa). At totoo ito dahil kung tutuusin, kapag nawalan tayo ng malay sa ating pagtulog, hindi natin alam kung didilat pa tayo sa panibagong umaga. Kaya nga, isang himala ng buhay ang ating paggising araw-araw.

Napakagandang pagkakataon ang panalangin sa gabi o panalangin bago matulog upang isuko sa Diyos ang ating buong sarili at ang ating buong buhay. Ito ang panahon na ilalapag na natin ang ating guwantes at sasabihin nating: “Sa wakas, tapos na ang boxing! Panahon nang magpahinga!” At tahimik tayong sandaling mamamaalam sa Diyos at sa buong sangnilikha niya. Kung takot ka sa gabi, mahirap itong gawin, mahirap isuko sa magdamag ang ating sarili. Gusto nating dakut-dakot natin ang ating kamalayan kaya gagawin natin ang lahat para hindi mapikit o maidlip. O kung matulog man ay napakababaw at bawat kaluskos ay napapabalikwas ka sa higaan.

Pero masdan mo ang isang sanggol, larawan ng pinaka-mapagtiwalang nilalang sa mundo. Buong-buo ang loob na sa pagtulog niya, bahala si nanay. Hindi siya mahuhulog, hindi madudukot, hindi masasaktan dahil pangangalagaan siya ng nanay niya. Hindi ba napakaganda kung ganyan din tayo magtiwala, magsuko ng ating sarili, sa mga bisig ng Diyos na siyang Panginoong ng lahat, ng liwanag at ng gabi ng kadiliman din?

Kahit mahirap minsan, kahit nag-aatubili, tulad ng isang bata, gawin mo ito tuwing gabi bago ka matulog: isa-isang banggitin at itaas sa Diyos ang iyong mga alalahanin sa maghapon; wala ka nang magagawa sa oras na ito, kaya isipin mong lumulutang at umaakyat ang lahat ng iyong problema at takot sa langit. At walang takot kundi puno ng tiwala, ilagay mo sa kamay ng Diyos ang iyong buong sarili at pati ang mga minamahal mo sa buhay. Sa Isaias 66 at Salmo 131, ang Diyos ay inilalarawan bilang isang ina na nag-aaruga sa kanyang sanggol. Isipin mong ikaw ang sanggol na payapang nakahimlay sa yakap ng Diyos, na iyong Ama at iyong Ina. Manatili ka sa ganitong kalagayan ng ilang sandali. Tulad ng panalangin ng isang bata, matutunan mo ding sabihin ang mga salitang ito: Panginoon, matutulog na po ako; ingatan mo po ako sa gabing ito; kung anuman ang maganap sa akin sa aking paghimlay, buong tiwala akong lagi ako sa iyong mga kamay. Amen.

ourparishpriest 2023