Home » Blog » FASTING O PAG-AAYUNO BILANG PANALANGIN

FASTING O PAG-AAYUNO BILANG PANALANGIN

 

Ang fasting o pag-aayuno ay isang kusang-loob na pag-iwas sa isang bagay na mabuti, karaniwang sa pagkain. Bagamatkilala natin ang gawaing ito, madalas na tuwing Kuwaresma lamang ito gawin. Subalit sayang dahil ang pag-aayuno ay isang malakas na sandata laban sa mga demonyo. Sinasabi rin ng Panginoong Hesus na may mga demonyong mapapalayas lamang sa tulong ng panalangin at pag-aayuno (Mk 9: 29). Dapat nating madalas maisagawa ang pag-aayuno at gamitin ito bilang isang paraan ng panalangin sa ating buhay espirituwal sa lahat ng oras.

 

Pinagmulan ng Fasting

 

Makikita ang pag-aayuno sa tradisyon ng Israel (Lev. 23; 2 Sam 12 at Jonas 3). Sa Bagong Tipan, si Ana at si Juan Bautista ay kapwa nag-ayuno bilang paghahanda sa pagdating ng Panginoong Hesus (Lk. 2, Mk 2). Maging ang Panginoong Hesus ay nag-ayuno nang 40 araw sa ilang sa simula ng kanyang buhay-publiko at inatasan niya ang mga alagad na mag-ayuno din (Mt. 4, 6). Ang nagsisimula pa lamang na simbahan ay gayundin ang ginawa (Gawa 13 at 14).

 

Mga Dahilan ng Fasting

 

Maraming tama at maling dahilan ng fasting. Ang mga maling dahilan ay: pagbabawas ng timbang, upang makamtan ang pagmamahal ng Diyos, o paghahalintulad sa ibang tao. Dapat ang fasting ay bunga ng pagmamahal, sa Diyos at sa kapwa, tulad din ng lahat ng kilos ng isang Kristiyano.

 

Ang pag-aayuno sa kasalanan (pag-iwas sa kasalanan) ay hindi talaga fasting. Dahil ito ay isang tungkulin na dapat naman talagang gawin ng bawat tao.

 

Ano ang magagandang dahilan para mag-ayuno? Narito: paghahanda sa pagdiriwang ng mga pistang Kristiyano tulad ng Pagkabuhay, ang pagsupil sa mga udyok ng ating katawan, ang pagbubuo ng magagandang kaugaliang espirituwal, ang paglago sa kapakumbabaan, ang pagtitiwala sa Diyos, ang pag-aalay ng sakripisyo para sa isang kahilingan, at ang pagiging kaugnay ng Panginoong Hesus. Kung naaakit ka sa anumang nabanggit, may magandang dahilan upang mag-fasting ka.

 

Paano Mag-ayuno

 

Simulan sa Maliliit na Bagay

Pag-iwas sa meryenda tuwing Biyernes, halimbawa o pag-iwas sa nakahiligang kape kahit minsan sanlinggo. Ang pagsisimula sa maliliit na bagay ay nakatutulong upang huwag maging mayabang o hambog sa ating kayang gawin, at nagtuturo sa atin ng unti-unting pagbuo ng magandang mga gawi o kaugalian. Mas mabuting magsimula nang simple at maliit na kaya mong gawin kaysa malaki at ambisyoso na hindi mo naman kayang tagalan.

 

Gawing simple lang.

Hindi kailangang malawak agad ang sakop ng iyong pag-aayuno. Kaya madaling gawin ito sa pagkain dahil alam nating lagi tayong nagugutom at lagi din tayong kumakain at kung gagawin natin itong sakripisyo hindi masyadong magiging malaki ang epekto sa atin (kung wala tayong seryosong karamdaman). Maaari din naman mag-fasting sa mga ibang bagay o gawain – inumin, pampasarap ng katawan, tv, social media, internet, libangan, at pahinga.

 

Tiyaking ito ay makabubuti sa ating mga ugnayan

Ang fasting mo ay dapat makatulong sa ugnayan sa iba at hindi pabigat sa iba. Kung ang sakripisyo mo ay mamasahe sa halip na magdala ng kotse, paano naman ang mga anak na ihahatid sa paaralan? Tandaan na dapat ang fasting ay udyok ng pagmamahal.

 

 

Bantayan ang pangangatuwiran

Kung nagbabalak ka pa lang mag-ayuno at nangangatuwiran ka na agad laban dito, ibig sabihin kailangan mo talaga mag-fasting. Ang pangangatuwiran ay tanda na may mas malalim na motibong nakatago. “Sige, fasting ako, pero paano kung mahilo ako?” “Pag nag-fasting ako, ano pa ang magiging libangan ko galing sa maghapong pagod sa trabaho?” Iba ang pangangatuwiran sa pagbibigay-dahilan na may tamang basehan at intensyon, halimbawa: “Hindi ko kaya ang fasting dahil sabi ng doktor kailangan kong kumain 3 beses bawat araw para sa pag-inom ko ng gamot.” “Hindi ko kayang magutom dahil nagiging nakaka-apekto ito sa aking focus sa trabaho.”

 

Ilihim ang fasting sa pagitan mo at ng iyong tagapayong espirituwal

Nasa Mt. 6 yan. At kung may makaalam ng ating pag-aayuno, walang masama na ipaliwanag natin ito. Mainam din kung alam ito ng mga taong malapit sa atin upang masuportahan tayo.

Dahil kasangkapan ang fasting laban sa kasamaan, tiyak na haharangan ito ng demonyo, guguluhin at sisirain ang ating loob upang huwag ipagpatuloy. Ang mabubuting kaibigan ay malakas na suporta sa ating magandang hangarin na magsakripisyo.

 

Magbalak nang mabuti

Kung may petsa ng simula, ng pagtatapos, at paraan ng pagsasagawa, ang pag-aayuno ay mas maisasakatuparan. Hindi dapat basta-basta na lamang gagawin ang fasting. Maglagay ng araw o panahon para dito, halimbawa: tuwing Miyerkules at Biyernes sa loob ng isang buwan, walang meryenda; tuwing Sabado, iwas sa internet; walang kape ng 40 araw ng Kuwaresma.

 

 

PAANO GAWING DASAL ANG PAG-AAYUNO O FASTING

 

Piliin ang Intensyon o Kahilingan

Magandang pagkakataon ang fasting upang humiling ng mabuting bagay sa Panginoon. May nag-aayuno para sa kaibigang maysakit. Kung malinaw ang iyong hinahangad, mas lalakas ang iyong pagnanasang gawin ang fasting.

 

Magsimula na!

Totoong may mga araw na itinakda para sa fasting ng mga Katoliko; pero wala namang tamang pormula para dito. Kahit anong panahon, maaaring mag-ayuno. Huwag nang ipagpaliban kapag nagawa na ang pasya.

 

Anyayahan ang Panginoong Hesus na samahan ka. Ialay sa kanya ang iyong intensyon at hingin ang biyayang magampanan ito. Sabihin sa Panginoon na tinatanggap mo anumang kaloob niya bunga ng iyong pag-aayuno. Maaari kang magdasal sa oras na itinakda mo para sa fasting mo para huwag itong malimutan at upang patuloy na maialay ito sa Panginoon. Maaari din naman sariwain ang pag-aalay sa karaniwang oras ng pagdarasal mo.

 

Kung magkamali o magkulang, huwag tigilan

Ang fasting ay hindi contest hindi din pagsusulit. Ito ay panalangin at alam ng Panginoong ang ating pagnanasang maging tapat, at ang ating hindi pagiging perpekto. Kung may pagkakataong hindi mo magawa ang fasting, huwag panghinaan ng loob. Ipagpatuloy lamang ito sa susunod na pagkakataon, habang muling iniaalay sa Diyos at nangangakong gagawin mo ang makakaya mo upang matupad ito.

 

 

#ourparishpriest 2023

 

(salamat sa “Prayer Enrichment Guidebook”)