Home » Blog » IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA A

IKA-APAT NA LINGGO NG KUWARESMA A

KONTING LIWANAG LANG

JN 9: 1-41

 

Nasa isang sulok lang at nakikinig siya sa panayam sa retreat at matapos ay nilapitan niya ako para sa isang konsultasyon. Malinaw na sa simula pa lang ng retreat na iyon, hinihila na siya ng Espiritu Santo sa mas malalim na karanasan ng pananampalataya at ng biyayang magsabi ng “Opo” sa isang mahirap na landasin. Isa siyang Protestante, tulad ng lahat ng nasa retreat, at sa unang pagkakataon, nakikinig sila sa isang Katolikong retreat director.

 

Binuksan ng Panginoong Hesus ang mata ng isang bulag, isang taong hindi pa nakakita ng liwanag mula pagsilang. Ang pinaghimalaan ay ang bulag subalit ang pansin ng lahat ay doon sa gumawa ng himala. Sino ba siya? Anong kapangyarihan niya? Pagkakataon ito upang ibunyag ni Hesus ang sarili, una sa dating bulag, at pagkatapos sa lahat: Ako ang Liwanag ng daigdig!

 

Kailangan nating lahat ang liwanag. Subalit kailangan nating idilat ang mata para maranasan ito. Matagal nang gusto ng bulag na makiulayaw sa liwanag. Pagod na siya sa dilim. At kailangan niya ng isang mag-aakay sa kanya tungo sa luningning. Hindi siya nagreklamo nang nilapitan siya ni Hesus dahil nadama niyang ito ang siyang magpapalaya sa kanya sa wakas!

 

May mga taong nag-aakala na nasa kanila ang liwanag, na sila ang pinagmumulan mismo nito kaya hindi nila kailangan ang tutulong sa kanila na dumilat. Sa kayabangan, inaangkin nilang nasa kanila lahat ng sagot, lunas at katotohanan. Sa katotohanan, sila ang tunay na bulag at namumuhay lamang sa hiram at panandaliang kislap. Ganito ang mga Pariseo, kabaligtaran ng taong bulag.

 

Ngayong Kuwaresma, piliin mong maging tulad ng bulag. Piliin mong ibukas sa Panginoon lahat ng kadiliman sa iyong pag-iisip, kahinaan, mga lihim, mga pagbabalatkayo. Humingi ng konti pang liwanag na magpapadilat sa mata ng puso na makita ang kabutihan ng Diyos at ang sarili mong kahalagahan. Ito ang pangako ng Kumpisal sa atin. Ang biyaya ng Diyos sa Kumpisal ang nagpapalayas ng kadiliman ng kasalanan upang makapasok ang Espiritu Santo sa ating buhay sa bago at makapangyarihang paraan.

 

At iyong babaeng lumapit sa akin sa retreat, doon pala nagsimula ang ang matagal na proseso ng kanyang pagbabalik-loob at pagpasok sa simbahang Katolika. Kinilala niyang kailangan niya ang liwanag ni Kristo. Nanabik siya sa mga sakramento, sa Kumpisal, sa pagtanggap ng Komunyon. Naging tunay at tapat na Katoliko siya at tinamasa niya ang liwanag na ito hanggang sa dulo ng kanyang buhay. Tulad niya, hangarin din nawa nating mabigyan ng konti pang liwanag upang lumalim ang ating ugnayan sa Panginoong Hesus ngayon.

 

#ourparishpriest 2023