Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA A  

IKALAWANG LINGGO NG KUWARESMA A  

PRESENSYA

MT. 17:1-9

 

 

Ang Kuwaresma ay panahon ng masidhing panalangin. Sa simula pa lamang, itinuturing na itong isang malawakang 40 araw na pagninilay o retreat. Natural na kasama pa din dito ang dalawa pang saligan ng Kuwaresma, ang pag-aayuno at pagka-kawanggawa.

 

Ano ang panalangin? Para sa ating lumaking mga Katoliko, agad nating iniisip na ang panalangin ay isang gawain, isang gampanin. Kaya, pagdating ng Kuwaresma, pagpagan na ang mga lumang prayer book at hanapin ang pahina ang Daan ng Krus. Ihanda na ang lumang aklat ng “Pasyon” para sa ritwal na pag-awit kasama ang pamilya o mga kapitbahay.

 

Para kay San Juan dela Cruz, ang panalangin ay higit sa lahat, presensya. Hindi salita, pagluhod, pagtitika, prusisyon. Ang panalangin ay natatanging kamulatan at pagkilala na narito ang Diyos sa ating piling. Narito siya sa harap natin at tayo sa harap niya. May mas gaganda pa bang karanasan dito?

 

Sa mabuting balita ngayon tungkol sa Pagbabagong-anyo, lumitaw si Elias at Moises upang mapasa-presensya ng Panginoong Hesus. Tahimik nilang kinilala ang kaganapan ng lahat nilang pangarap. Ang tatlong alagad ay nasa presensya ng pangitain, humahanga sa sumandali subalit nakapagpapalakas na tagpong ito. Si Pedro ay natuliro at naguluhan.

 

Ang Amang Makalangit ay nasa presensya ng Anak na si Hesus, pinagtitibay ang kanyang katayuan at misyon, niluluwalhati at pinalalakas ang Anak. Ang Panginoong Hesus ang nasa gitna ng tagpo. Nasa presensya din siya ng Ama at nasa presensya ng mga panauhin mula sa Lumang Tipan. At sa huli, si Hesus ay nasa presensya ng mga alagad at sinasabi sa kanilang: Huwag kayong matakot!

 

Ang panalangin ay presensya, kailangang maalala natin ito. Hindi ang “ating” presensya sa harap ng Diyos, kundi ang “kanyang” presensya sa atin. Sa panalangin, walang dapat ikatakot. Dalhin at ilatag ang kahinaan, kamalian, kasalanan, kamunduhan, kasamaan… Nasa presensya tayo ng isang hindi nanghuhusga at nagtatakwil kundi isang umuunawa at nagmamahal.

 

Ang Kuwaresma ay hindi dasal o penitensya lamang. Dumalaw tayo sa simbahan at maupo o lumuhod nang tahimik sa isang sulok at makipag-usap nang puso sa Puso. Maghanap sa bahay ng oras at lugar na tahimik, dala ang Bibliya o Rosaryo at damahing kasama natin si Hesus. Sa pakikipagtagpong ito, tiyak maririnig natin ang inaasam nating… “Huwag kang matakot… Narito ako para sa iyo…”

 

#ourparishpriest 2023

1 Comments

  1. Francis N. Villamer

    Nakapagbibigay inspirasyon ang iyong pagninilay padre. Salamat sa presensiya ng Diyos na sumasaatin.