IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA A
NAUUHAW AKO SA IYO
JN 4: 5-42
Tila may ibang pakay si Hesus noong tanghaling naupo siya sa tabi ng balon. Tila may hinihintay siya doon. At nang dumating ang babaeng Samaritana, humingi siya ng tubig. Nag-atubili ang babae dahil ang tribo nila ay magkaiba kaya binanggit ng Panginoong Hesus ang tubig na siya lamang ang makapagbibigay, ang tubing na nagbibigay buhay.
Nabaligtad ang situwasyon. Ang babae na ngayon ang nagsusumamo ng tubig. Inamin niyang uhaw din siya; mas uhaw pa siya kaysa kay Hesus. At napakapalad niyang matagpuan ang taong magpapadaloy ng tubig na walang patid, walang tigil, walang pagka-ubos.
Kasama natin ang tubig sa buhay at lagi natin itong hinahanap. Ginagamit natin ito lagit kaya nga ito ang bukal ng buhay natin. Pero dapat ding iwasang masobrahan bago tayo malunod, dahil ang tubig ay nakamamatay din. Subalit ang tubig ay pangangailangan dahil sino ba ang hindi nauuhawa maya’t-maya?
Sa malalim na paraan, tulad ng napagtanto ng babae, uhaw tayo hindi lang sa tubig. Uhaw tayo sa kahulugan ng buhay. Uhaw tayo sa kapatawaran. Uhaw tayo sa pakikipag-ugnayan na may kabuluhan. Uhaw tayo sa katotohanan at liwanag. Tulad niya, uhaw tayo sa darating na Mesiyas. Uhaw tayo sa Diyos.
Si Hesus ay laging may tubig, sabi ni Tertuliano, isang pantas ng simbahan. Hindi siya nawawalan ng tubig na walang iba kundi ang simbahan kung saan ito umaapaw. Hindi karaniwang tubig kundi tubig ng pagpapala, ng biyaya. Ang tubig na ito, higit sa lahat ay ang Espiritu Santo, na pumapawi ng ating uhaw at nag-uugnay sa atin sa Ama at kay Hesus, na kanyang Anak.
Ngayong Kuwaresma, pakiramdaman mo ang pagkauhaw mo, hindi sa lalamunan kundi sa puso. Uhaw ka ba sa kapatawaran, sa pakikipagkasundo sa naka-away o nasaktan, sa kalayaaan ng puso mula sa maling gawi at mga kasalanan, sa pagpapalago, hindi ng sarili, kundi ng kaugnayan sa Panginoon? Hindi malulunasan ito ng karaniwang tubig, kundi ng tubig na si Hesus lamang ang may taglay, ang Tubig na Nagbibigay-Buhay!
Katagpuin natin si Hesus sa balon. Naghihintay din siya sa atin. Maglaan ng mga sandali ng panalangin. Ibuhos ang puso sa kumpisal. Makinig sa kanyang Salita. Magdiwang na may galak na muling mayakap ng Diyos.
#ourparishpriest 2023