Home » Blog » MAGWAGI SA TUKSO TULAD NI KRISTO PART 2

MAGWAGI SA TUKSO TULAD NI KRISTO PART 2

HUWAG MONG SUSUBUKIN ANG PANGINOONG MONG DIYOS (MT. 4:7)

Matapos matalo sa kanyang unang pagtukso sa ating Panginoong Hesukristo, naisipan ng demonyo na magtangka ng isa na namang tukso. Pilit niyang binuyo ang Panginoong Hesus na ipakita sa lahat ang kanyang kapangyarihan; na tumalon mula sa taluktok ng Templo at ligtas na makarating sa lupa dahil aalalayan at sasaluhin siya ng kanyang mga anghel.

Tila napakagandang alok nga naman. Sino ba ang hindi nagnanais na mapatunayang magaling, may karapatan, may ibubuga, talentado at sikat? Noong unang panahon, napakahirap sumikat dahil piling-pili lamang ang pinapansin ng lipunan. Para ka maging tanyag, dapat mestizo o mestiza ka, matangos ang ilong, maganda ang boses, maraming talento. Kung may makalusot man, bihira iyan at ang ganap nila ay komedyante o muchacha sa pelikula.

Pero ngayong nauso ang viral sa social media, ang daling sumikat. Kahit ano ang itsura mo, basta nakakatawa, may bagong pakulo, may kakaibang ipapakita; sisikat ka, patok, viral.

Alam ng demonyo na sa puso ng bawat tao, nais nating tayo ay mapansin, maparangalan. Kahit hindi natin sinasabi, may udyok sa puso at isip natin na mabigyan ng pagkakataon, magkaroon ng tyansa, ika nga, mabigyan ng break sa mata ng ating kapwa. Kaya nga siguro pinipilahan ng mga aplikante at pinanonood naman ng mga fans ang mga palabas tulad ng Pilipinas Got Talent, Idol Philippines, Talentadong Pinoy at iba pa; habang ang iba naman ay gumigiri sa Tiktok at nagpapa-video ng iba’t-ibang gimik mula pagkain ng uod hanggang pagsasayaw sa baga.

Kung natural ang pagnanasang ito sa tao, bakit hindi ito ginawa ng Panginoong Hesus? Bakit sinabi niyang huwag susubukin ang Diyos? Bagamat ang Diyos ang pinakamakapangyarihan, ang pinakamagaling, ang pinakamahusay sa lahat ng larangan ng kabutihan, iba ang pamamaraan ng Diyos. Magaling subalit hindi nagmamagaling, mahusay ngunit hindi nagpapasikat, makapangyarihan pero hindi nagyayabang. Ang paraan ng Diyos ay hindi ang pang-aakit na tingalain siya kundi ang kilos pababa kung saan halos hindi na siya mapansin ng iba.

Hindi masamang maging sikat at hinahangaan pero kung ang panghahawakan lang natin ay ang paghanga ng madla, tandaan, na hindi ito nagtatagal. Nagsasawa ang mga tao, nawawala ang ningning, nalalaos ang lahat balang araw. Hindi nagtatagal ang kasikatan, subalit may isang nagtatagal, ang pag-ibig ng Diyos. Hindi siya nagbabago, hindi nagsasawa, hindi nagde-demand o nage-expect ng sobra sa kanyang mga anak. Kapag tumigil na ang mga tao sa pagpalakpak sa iyo, ang mata ng Diyos ay patuloy pa ring nakatuon sa iyo at tapat na nagmamahal. Iyan ang alam ni Hesus kaya hindi niya kailangang patulan ang tukso.

HUWAG MONG SUSUBUKIN ANG DIYOS. Huwag mo siyang itulad sa iba; hindi ka kailangang magpa-impress sa kanya. Tanggap niya ang lahat sa iyo – galing, talento, at pati kahinaan, kapalpakan at kabulukan mo. Hindi kailangang mag-effort para mahalin ng Diyos. Manatili ka lang sa harapan niya at patuloy na magtiwala…