IKA-APAT NA LINGGO NG PAGKABUHAY A
KAKAIBANG TARANGKAHAN
JN 10: 1-10
Dalawang uri ng tarangkahan (gate) ang nakasanayan ko sa probinsya. Ang una ay ang saradong tarangkahan ng mga bahay ng mayayaman naming kapitbahay. Kailangan ka pang humiyaw para marining ng nasa loob; minsan doon ka lang sa rehas kakausapin. Ang saradong tarangkahan ay tanda na ayaw ng may-ari na makapasok ang masasamang tao at ang mga usisero; kaya ligtas at protektado sila sa loob.
Ang isa namang uri ng tarangakahan ay laging bukas. May pinto pero hindi kandado; kita mo ang simpleng bahay ng may-ari, ang kanyang hardin at mga naglalarong mga anak sa paligid. Bukas ito kasi tanda ng pagtanggap. Sinuman ay maaaring pumasok para makipagkwentuhan, makiinom ng tubig at dumalaw sandali.
Gumamit ang Panginoong Hesus ng kakaibang larawan para sa kanyang sarili. Sa Mabuting Balita, tinawag niya ang sarili na tarangkahan, pintuan, lagusan, “gate.” Hindi sarado, kundi bukas na tarangkahan. Makapapasok ang mga tupa at makalalabas nang malaya upang manginain. Tinatanggap ng tarangkahang ito ang sinumang nais ng buhay at ng saganang buhay. Naalala ko tuloy ang pintuan ng Paraiso na nasarado dahil sa kasalanan ng ating unang mga magulang. Dahil sa kasalanan, nakandado ang pintuang ito at hindi na malapitan, marating o mapasok.
Ang Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang sumira sa saradong pintuang ng Paraiso. Sa kanyang kamatayan, umagos ang kapatawaran at awa ng Diyos sa buong mundo at buong kasaysayan. Sa kanyang Pagkabuhay, pinakawalang muli ang buhay na walang hanggan sa lahat ng nais makabahagi dito. Kaya si Hesus ang tunay na tarangkahan o pintuan – sa pamamagitan niya, ang Ama ay muling tumatanggap, nagbibigay, nag-aanyayang pumasok sa kagalakan ng langit. Malaking bukal ng galak at kapayapaan ito sa ating mga naghahanap ng kaugnayan sa Panginoon.
Ipinapaalala sa atin ng Pagkabuhay na tayo din ay mga tarangkahan. Depende kung paano tayo mag-trato ng kapwa, tayo ay sarado o bukas na pintuan. Isang tao ka bang umiiwas sa iba, nagtataboy sa iba, nagliligpit sa iba? Sintomas ito ng iyong takot, kalungkutan, galit at insecurity at walang kapayapaan o galak dito. O tao ka bang tulad ni Hesus ay bukas – bukas sa pakikipagkasundo, sa pagbibigay ng bagong pagkakakataon, sa pagpapanumbalik at pagpapanariwa ng mga ugnayan sa kapwa? Ang bukas mong puso ay tanda ng matibay na pananampalataya, matatag na pag-asa, at mabungang pag-ibig – mga regalo ni Kristong Muling Nabuhay!
Pasalamatan natin ang Panginoon sa pagbubukas ng langit para sa atin at sa pag-aanyayang pumasok tayo sa pamamagitan niya. Hingin natin ang biyayang maging bukas na pintuan din tayo upang makatulong sa iba na matagpuan ang landas tungo sa Panginoon at sa kanyang pamayanan. ourparishpriest 2023