IKATLONG LINGGO NG PAGKABUHAY A
MULA KADILIMAN TUNGO SA KALUWALHATIAN
LK 24: 13-35
Ipinapakita ng Mabuting Balita ngayon ang kapangyarihan ni Kristong Muling Nabuhay at ang bunga ng Pagkabuhay sa mga nananalig, nagpapahayag at nagsasabuhay nito. Kita agad natin ang dalawang sandali sa karanasan ng mga alagad. Ang una ay ang patalilis na takbo tungo Emaus, ang sandali ng malumbay na paglalakbay. Parang ito iyong tinatawag ng mga psychologists na depression at ng mga gabay spiritual na desolation (kapanglawan).
Hindi natin sila masisisi. Umasa sila kay Hesus, at gumuho lahat ito noong siya’y namatay. Ngayon, lito, gulat, dismayado, takot at hiyang-hiya ang mga alagad na ito. Ano na gagawin natin? Saan tayo tutungo? Paano na ang buhay? Ang naisip lang nila ay magtago sa dilim at magpakalayu-layo.
Pero may isa pang sandali, ang masiglang paglalakbay. Dahil sa daan may nakisabay na hindi nila agad nakilala. Nagpakita ng interes ang taong ito sa kanila, nagpakita ng pang-unawa. Nakinig siya at nakibahagi sa damdamin ng mga alagad. Subalit sa halip na sulsulan ang siphayo, nagdulot siya ng pag-asa. Ipinaliwanag ang Salita ng Diyos at nakipagdiwang ng hapuna na nagpa-alala sa kanila ng katulad at makapangyarihang tagpo.
Ang Panginoong Hesus, Nabuhay Muli, ang nag-akay sa dalawa mula sugat tungo sa paghilom, mula panginginig tungo sa katatagan, mula pagkalugmok tungo sa kaaliwan! Sa huli, nasabi nila: “Dumito na kayo sa amin, malapit na pong gumabi.” Ito ang kahulugan ng Pagkabuhay: Kasama natin si Hesus, lalo na sa mga sandali ng pagsubok at nagpapa-alalang huwag matakot dahil nalupig na niya ang lahat. Walang dahilan upang magtago at lumayo: Narito siya, makapangyarihan at nagtagumpay na!
Ang Pagkabuhay ng Panginoong Hesus ang sentro ng ating pananampalataya, hindi lang ito doktrina o isang pista. Ito ang katotohanang gagawin ng Diyos lahat sukdulang suungin ang impiyernong pinagdadaanan natin upang ibahagi sa atin ang kanyang tagumpay. Si Hesus na Muling Nabuhay, ang karapat-dapat sa ating pananampalataya, pag-asa at pag-ibig dahil mapagkakatiwalaan siyang magdulot ng tunay na ligaya at walang hanggang kapayapaan, sa gitna man ng mga pagsubok na ating dinadaanan.
Bumalik ang mga alagad sa Herusalem, hindi na malungkot kundi puno ng ligaya. Nakihalubilo muli sa iba at nakibahagi sa kanila. Handa na silang harapin ang mundo na may lakas ng loob. Nakita nila ang Panginoon, narinig ang kanyang Salita at nakasalo sa hapunan. Maranasan din nawa natin ang kapangyarihan ng Pagkabuhay na ilayo tayo sa landas ng kasiphayuan at akayin sa landas ng pag-asa at lakas sa piling ni Hesus. Amen.