ANO ISYU MO? PART 14: LORD, ANG DAMI KO PONG WORRIES!
May mga pagkakataon na ang pagkabagabag o “worry” natin ay walang basehan. Minsan may ipinakilala sa akin na isang tao na sobrang nag-aalala na baka masibak siya sa trabaho dahil puno ng korapsyon ang kanilang opisina. Noong panahon na iyon, nabanggit ng dating presidente Noynoy Aquino na lilinisin lahat ng tiwaling sangay ng gobyerno. Simpleng empleyado ang taong ito pero takot na takot siyang baka buwagin ang kanilang departamento. Ipinaunawa ko sa kanya na hindi naman siya kilala ng presidente, hindi naman siya pinuno, hindi siya gumagawa ng katiwalian dahil simpleng manggagawa lang siya sa opisina. Matapos ang ilang buwan, bumalik siya sa akin na masayang-masaya dahil hindi naman talaga nanganib ang kanyang trabaho. Nag-panic siya, natakot at sobrang nabagabag.
Natutunan ko sa isang propesor dati ang tinatawag na “anticipated fear” o iyong takot sa bagay na hindi pa nangyayari o hindi naman mangyayari. Ganito ang ating pagkabagabag, kalimitan walang dahilan upang pansinin.
May mga worry din naman na dapat nating gawan ng paraan. Halimbawa, kung ang anak mo ay hindi na pumapasok sa eskwela, laging nagkukulong sa kwarto at bumabagsak ang timbang ng katawan, aba e dapat lang mag-worry na baka may problema ang bata. Ang pagkabagabag ay healthy feeling kung tumutugon ito sa mga bagay na talagang dapat bigyang-pansin.
Subalit maraming worry ang hindi dapat pinaglalaanan ng panahon at lakas. Sa panalangin mo, subukan mong tanungin ang sarili mo: Dapat ko ba talaga akong mag-alala sa bagay na ito? kung ang sabi ng puso mo ay “oo” pero ang sabi ng isip mo naman ay “hindi,” kailangan mong ipaliwanag sa puso mo, na walang dapat ikabagabag, tulad ng ginawa kong pagpapaunawa sa taong nakausap ko na wala siyang dapat ikatakot. Ayon sa maraming researchers, kung ano ang paulit-ulit mong sinasabi sa sarili, iyon ang nangyayari. Kung lagi kang nag-aalala na magmumukha kang matanda, tiyak mararamdaman mong tila nga ang bilis mong tumanda! Kaya, sa katahimikan ng panalangin, kung hahayaan mong gabayan ng iyong isip ang iyong puso na walang basehan ang iyong mga worries, unti-unting maisasaloob mo ito.
Ang kasunod na hakbang sa panalangin ay anyayahan ang Panginoong Hesus na ayusin ang mga ugat ng iyong pangamba, lalo na ang iyong insecurities o kawalan ng katiyakan. Isipin mong naka-akbay ang Panginoon sa iyo habang isinisiwalat mo sa kanya ang bahagi ng buhay mo na puno ng takot at pag-aalala. Pabayaan mong titigan ka niya at ibulong sa iyo: “Kasama mo ako lagi hanggang sa wakas. Wala kang dapat ikabahala.” Ulit-ulitin mo sa isip mo ang mga salita niya.
Paano naman kung may basehan para talagang mag-worry tayo? Ito naman ang pagkakataon na anyayahan ang Panginoong Hesus na samahan tayo sa mga bagay na dapat nating ikabahala. Ang presensya niya, ang katiyakan na hindi niya tayo iiwan, at hindi pababayaan, ang tila kumot na babalot sa ating kaluluwa upang mapanatag. Maaari mong isipin ang anumang posibleng mangyari sa iyo dala ng isyu na ikinababahala mo, pero ipaalala mo din sa sarili mo na hawak ni Hesus ang iyong mga kamay at hindi ka mapapahamak. “Kasama mo ako hanggang sa wakas.” Dahil alam nating hindi niya tayo pababayaan, kaya nating harapin ang anumang pagsubok at malulutas natin lahat ito.
Halimbawa, sabihin mo sa sarili mo at sa Panginoon…
Tila iiwan na ako ng minamahal ko, pero kasama kita lagi, Panginoon.
Mukhang nanganganib ang negosyo ko, pero kasama kita lagi, Panginoon.
Hindi yata ako papasa sa aking ina-aplayang paaralan o trabaho, pero, kasama kita lagi, Panginoon.
Nag-usap na kami pero hindi naman nagka-ayos, pero kasama kita lagi, Panginoon.
Magdasal ka ng ganito, bukas ang puso sa Panginoon at nagtitiwala sa kanya. At teka, kailan ka nga ba iniwan ng Panginoon? Sabi ni San Pablo sa mga taga Roma (Rom 8): “Anuman sa langit at lupa, walang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos.”
ourparishpriest 2023