DAKILANG KAPISTAHAN NG PENTEKOSTES
ANG DIYOS NG ALA-ALA
JN 20: 19-23
Nang mamatay ang aking ama, itinago ng aking ina ang huling t-shirt na isinuot niya noon. Lagi niya itong minamasdan, inaamoy ang pabango dito, niyayakap ito… sa pag-asang manumbalik ang ala-ala ng kanyang minamahal. Subalit paglipas ng maraming panahon, hindi na niya matandaan ang dating itsura, amoy at ang pakiramdam ng kanyang asawa sa pamamagitan ng kasuutang iyon.
Habang naghahandang bumalik ang Panginoong Hesus sa Ama, mahalagang manatiling buhay ang maraming bagay sa mga alagad. Kailangang manangan sila sa kanyang mga salita, sa kanyang mga himala, at sa kanyang mga pangako. Kaya nga noong gabi ng Pagkabuhay niya, at lalo na sa kapistahan ng Pentekostes, ipinamana niya sa kanila ang Sukdulang Kaloob: Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo.
Dumarating ang Espiritu Santo upang buhayin ang mga nakaraang karanasan kasama si Hesus, pati na ang malayo nang karanasan ng Israel at ng kanyang Diyos. Dahil ang Espiritu Santo ay Diyos, pinananariwa niya ang kilos ng Diyos sa kanyang mga anak. Sa kanilang pag-alala, ang Panginoong Hesus ay nananatiling kapiling, bago at sariwa lagi: “Gawin ninyo ito sa pag-alala sa akin.”
Itinuro ng Panginoong Hesus, na ang Espiritu Santo ay magtuturo at magpapa-alala. Siya ang Patnubay na gagabay sa pag-alala ng mga tao, lalo na sa panahong mahirap gawin ito. At maraming pinagdaanan ang mga alagad: pagsalungat, pagtuligsa, pagdurusa, pagpapalayas, at maging pagkamatay dahil sa pananampalataya. Sa pagdaan sa mga pagsubok, madali sanang magduda, magtanong, at makalimot sa Diyos. Mas madali ding sumuko na lang at huwag nang manampalataya. Subalit ang Espiritu Santo ang Diyos ng ala-ala; binubuhay niya muli ang Diyos sa ating puso, kapiling muli, nananatili muli sa buhay ng mga Kristiyano saanmang sulok.
Matapos ang luwalhati ng Pagkabuhay, tayo din ay naghihintay. Habang naghihintay, nabubuhay tayo sa mundo kung saan hindi madaling kumapit sa Diyos. Oo nga at nararanasan natin ang kahanga-hangang gawa ng Diyos (sa Latin, “magnalia Dei”), subalit humaharap din tayo sa mga pagdurusa. Paano ba kumapit sa pananampalataya kung kaydaming bagay na nakakahadlang sa pagtutok sa Panginoon? Sa mga pagkakataong ito, diyan tayo tatawag sa Espiritu Santo; diyan natin sasalubungin ang Espiritu Santo; diyan tatanggapin ang Espiritu Santo na kaloob ni Hesus. Araw-araw dapat nating sabihin: “Halina, Diyos Espiritu Santo!”
Ang Espiritu Santo ang kapiling natin ngayon, buhay sa ating puso maging libot man tayo ng pagsubok. Kung malapit nang mapagod, matakot at bumagsak, itinataas tayo ng Espiritu Santo at pinalalakas. SInasariwa niya ang ala-ala ng Ama at ng Anak sa ating isip at puso. Hindi tayo makakalimot na nasa kamay tayo ng nagmamahal na Diyos. Ipinaaalala sa atin ng Espiritu Santo ang pagmamahal at katapatan ng Diyos. “Halina, Espiritu Santo!”
Ourparishpriest 2023