DAKILANG KAPISTAHAN NG SANTISSIMA TRINIDAD A
ANO’NG LARAWAN NG DIYOS PARA SA IYO?
JN 3: 16-18
Samu’t-sari ang kaisipan tungkol sa Diyos ngayon. Sa mahihirap na lugar ng mundo, lumalakas at tumitibay ang pananampalataya ng mga tao. Kumakapit sila sa Diyos para sa katiyakan, kinabukasan at pag-asa sa gitna ng hilahil. Dahil walang mababalingang mga tao o mga istruktura, tumatakbo ang mga tao sa ilalim ng pangangalaga ng Diyos.
Pero sa mayamang mga bansa naman, iniiwan ng mga tao ang Diyos dahil naging mas maunlad, matalino at mas matatag sa buhay na sila. Pakiramdam nila hindi na nila kailangan pa ang Diyos upang magbigay ng kanilang pangangailangan o sumagot ng kanilang mga tanong. Maraming hindi naghahanap sa Diyos at hindi na din sigurado kung saan man siya matatagpuan. Sa isang interview, sabi ng isang Italyanong maykaya sa buhay: “Kung ang Diyos ay nasa langit… o kung saan man siya naroroon…”
Sino ba ang Diyos sa atin ngayon? Nasaan ba siya? Ang maikling ebanghelyo ang may malalim na sagot. Ayon sa Panginoong Hesus, ang Diyos ay pag-ibig. Siya ay Ama, Anak at Espiritu Santo, na isang “malawak na karagatan ng pagmamahal.” Kung saan may tunay na pagmamahal at malasakit, naroon ang Diyos natin!
Dinadala tayo ng mabuting balita sa malalim na pang-unawa sa Diyos. Ama siya na nagsugo ng kaisa-isang Anak. Anak siya na nag-alay ng buhay para iligtas tayong lahat. Espiritu siya na nagtitipon sa atin bilang mga inampong anak ng Ama at kapatid ng Anak na si Hesus. Kung sa mayayamang lugar, tila hindi pansin ang Diyos, hindi din nauubos ang pangungulila ng tao sa tunay at mainit na pagmamahal. Kung sa mahihirap na lugar naman tila kaydaling hanapin ang Diyos, ang pag-ibig niya ay hindi mababaw kundi tunay na pakikilakbay sa kanilang mga pagsubok at pakikibaka.
Ipinangaral ni Hesus ang Diyos sa pamamagitan ng kanyang buhay, at lalo na sa Krus. Sa kanyang Muling Pagkabuhay naman, isinugo niya ang Espiritu Santo sa mga alagad. Sa puso ni Hesus, walang bakas ng husga, galit, pilit, o pagtataboy. Nabuhay sa pagmamahal dahil ang larawan ng Diyos sa kanya ay pagmamahal; ito din ang nais niyang maunawaan at tanggapin natin.
Malimit na ang ugnayan natin sa Diyos ay mula sa larawang meron tayo sa ating isip. Ano ang larawang iyan para sa iyo? Kahit mabubuting Kristiyano minsan ang tingin sa Diyos ay pulis na nag-aabang ng pagkakamali; hukom na sumusuri sa ating mga kilos; accountant o taga-tuos na nagbibilang ng kulang; o huwad na mangingibig na hindi tunay na nagmamalasakit.
Magandang pag-isipan ang Diyos ngayong linggong ito lalo na sa ating pagsisimba. Pagnilayan mo ang larawan ng Diyos sa isip at puso mo. Huminahon, mamahinga, manatili sa presensya niya at damahin ang kanyang pakikipiling sa iyo. Dahil siya ang Ama, Anak at Espiritu Santo, Iisang Diyos sa Tatlong Persona, hindi magkukulang ang pagmamahal niya sa buhay mo. (by ourparishpriest 2023)