IKA-11 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
LAHAT MANGGAGAWA!
MT. 9: 36-108
Sinong mga “mag-aani” ba ang hinihintay ng Panginoon? Lagi nating binabasa: “Sagana ang anihin, ngunit kaunti ang mag-aani. Idalangin ninyo sa may-ari ng anihin na magpadala siya ng mga manggagawa sa kanyang aanihin.” Bigla nating naiisip tungkol ito sa mga pari at madre at dapat silang ipagdasal na dumami ang susunod sa kanilang yapak.
Subalit kung ang “mag-aani” ay mga pari at madre lang, hindi kaya ang mga salita ng Panginoong Hesus ay isang prediksyon higit sa panalangin lamang? Kelan ba sumapat o sumobra ang bilang ng mga pari at madre na masasabi nating ayos na at natupad na ang ating panalangin? Sa ating bansang 85 milyon ang mga Katoliko, ang mga pari ay 1.17% lang ng kabuuang bilang (iyan ay kung tiyak na may 10,000 paring Pinoy man lang tayo ngayon!).
Nais ba ng Panginoong Hesus na patayin sila sa pagod, burn-out at istres? Palagay ko, hindi ganun! Ang pagdarasal na dumami ay mag-aani ay ang pagnanais ni Hesus na gumising ang 98.83% ng 85 milyong Katolikong Pinoy upang mapansin, makilahok, at maglingkod sa misyon niya. Hindi naman lutang ang Panginoon at hindi din siya hiwalay sa katotohanan upang magdasal para sa bokasyon na hindi naman talaga magiging majority sa simbahan at sa mundo. Palagay ko, ang nais ng Panginoon ay magising ang bawat Katolikong seryoso sa pananampalataya niya na tanungin ang sarili kung handa at laan bang makiisa sa misyon ng simbahan sa lupa.
Kapag kailangan ng propetang magpapahayag ng katotohanan, naghihintay lang ba tayo kung kelan at kung ano ang sasabihin ng mga obispo at mga pari sa sermon nila? Kapag madami ang nahihila sa ibang sekta at relihyon, umaasa lang ba tayong sana may madre na nagtuturo sa ating mga kabataan? Kapag may gusot sa ating parokya, nagmamatyag lang ba tayo sa mga matatandang volunteer at mga manang na retirado para kumilos at tumulong?
Masakit man aminin, pero ganyan ang mga Katoliko. Ang “mag-aani,” ang “manggagawa,” na tinutukoy ni Hesus ay tayong lahat. Isipin na lang natin kung ang bawat Katolikong nars, titser, tindera, tsuper, abogado, kabataan, magulang, doktor, karpintero at iba pa ay tutugon sa tawag na ipahayag ang Mabuting Balita sa mga tahanan, trabaho, pamayanan, tiktok, facebook at sa lahat ng lugar kung nasaan sila! Aapaw ang mag-aani sa anihan ng Panginoon.
Pero kung ang tugon natin sa ebanghelyo ngayon ay “busy ako,” “saka na lang,” “wala akong pakialam dyan,” “hindi ko iyan kaya,” ay talagang sayang ang panalangin ni Hesus. Ang mag-aaning hinihintay kasi niya ay wala doon sa malayo! Ikaw ang gusto niya!
ourparishpriest 2023