IKA-14 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
LUNAS PARA SA PAGOD AT PAGAL NA KALULUWA
MT. 11: 25-30
Tanda mo pa ba ang pag-uwing pagod ng mga magulang mo dati? Ang tatay ko lagi noong nagrereklamong masakit ang likod sa maghapong pagmamaneho. Ang nanay ko namam masakit daw ang binti sa buong araw na pagtayo sa classroom at pagtuturo. Pero, simpleng kape lang sa tatay ko at simpleng tele-novela naman sa nanay ko ay pawi na ang kanilang maghapong pagod.
Ngayon, higit sa pangkatawan, meron tayong pagkapagod na pangkaisipan at psychological, pati na nga espirituwal. At mas mahal gamutin ito: kailangan pumunta sa mall, umakyat ng Tagaytay o Baguio, mag-food trip o mag-gym. At talaga namang kailangan natin ang tumakas in sa mga gulo at gipit na dulot ng trabaho, pamilya o buhay sa pamayanan.
May magandang balita! Maging bakasyon ng katawan o isip ang kailangan, nag-aanyaya ang Panginoong Hesus na magpahinga, hindi doon sa malayong bakasyon, kundi kapiling siya, kasama siya, sa presensya niya, sa pakikipagkaibigan sa kanya. Kung noong nakaraaang Linggo, ang hamon sa atin ng Panginoong Hesus ay magpasan ng krus, ngayon ang kanyang himok sa atin ay: Halina sa akin… magpahinga ka sa akin…
Ang mamahinga sa Panginoon, ang humimlay sa kanya ay hindi nangangailangan ng sumama sa tour o magbook ng resort; ni hindi nga ito paghinto sa ating karaniwang gawain. Ang pagpapanariwang alay niya ay ang pagpapanumbalik ng sigla sa ating pagod na espiritu, ang pagbubuhos muli ng kapayapaan at kapanatagan, ang pagdanas muli ng kagalakan, pagpapatawad, pangangalaga at pagmamahal ng Panginoon sa ating buhay.
Maglaan ng sandali ng panalangin sa tahimik na umaga o bago matulog sa gabi; magbasa ng sipi sa Bibliya; magdasal ng Rosaryo habang nasa biyahe; o kahit sabihin lang: “Panginoong Hesus, isinusuko ko po sa Inyo ang aking sarili; bahala na po Kayo sa akin.”
Habang naghahanda sa Misa, punuin mo ang puso mo ng pananabik na parang pupunta ka sa bakasyon. Dahil ang sandaling ito na kasama ang Panginoon, pakikinig sa kanyang Salita at pagtanggap sa kanyang Katawan, ang tanging bakasyon na kailangan natin para lunasan ang ating mga pasanin at pagsubok sa araw-araw.
Ourparishpriest 2023