Home » Blog » ANO ANG BANAL NA MISA? PART 14: ANG PAGHAHANDOG NG MGA ALAY

ANO ANG BANAL NA MISA? PART 14: ANG PAGHAHANDOG NG MGA ALAY

Tulad nang unang panahon, kung saan dinadala ng mga tao ang tinapay at alak mula sa kanilang mga tahanan patungo sa altar, dinadala din ang tinapay at alak sa altar ng mga tao, bagamat hindi na ito mula sa kanilang tahanan.

Ang unang mga Kristiyano ay gumamit ng tinapay na kanilang inihanda at iniluto sa bahay. Minsang ito ay hugis korona, o bilog na tirintas, o bilog na tinapay lamang. Noong ika-9 na siglo, ginamit na ang tinapay na walang lebadura o pampa-alsa sa halip na karaniwang tinapay lamang. Ito ang namayaning tradisyon simula noong ika-11 siglo. Ang mga bilog na ostia na pamilyar sa atin ngayon ay nagmula noong ika-12 siglo nang hinulma ang tinapay sa hugis ng mga barya. Ang paggamit ng ganitong mga bilog na tinapay na walang lebadura ay naging sanhi ng pagtigil ng paggawa ng tinapay mula sa tahanan na dinadala sa Misa upang ialay.

Mahalagang ang tinapay sa Misa ay kailangang maramdaman bilang tunay na pagkain. May mga lugar sa ating bansa na ang ostia ay sobrang liit at sobrang nipis na halos hindi na ito maramdaman na tunay na tinapay; nagbi-biruan ang mga tao na hugis bente-singko o singko ang ostia nila. At sa sobrang nipis ay hindi na halos malasahan, manguya o malunok dahil sadyang natutunaw sa dila. Buti na lamang at unti-unting lumilitaw ang mas malalaki at mas makakapal na ostia sa ating bansa. Sa ibang bansa, sadyang medyo makapal ang ostia at malalasahan pa ang pagka-tinapay nito.

Sa Huling Hapunan, tiyak na ginamit ng Panginoong Hesus ang alak, red wine, tulad ng kaugalian noon. Ganito ang sinunod ng tradisyon hanggang sa ika-16 na siglo. Nauso ang paggamit ng pamunas sa kalis na tinatawag na “purificator” at dahil dito gumamit na din sa ibang lugar ng white wine dahil ang red wine ay nag-iiwan ng mantsa. Nagulat ako noong una akong magdiwang ng Misa sa Roma na ang gamit nila ay hindi Mompo tulad ng alam natin sa ating bansa, kundi isang uri ng white wine at hindi Mompo ang brand nito. Kung tutuusin, ang Mompo ay isa lamang sa maaaring pagpiliang alak na gamitin sa Misa; anumang red o white wine basta gawa sa purong ubas at walang halong ibang prutas o flavor, ay maaaring gamitin sa Misa. Kung tutuusin, dapat na gamitin sa Misa ang mabuting kalidad ng alak bilang karapat-dapat maging Dugo ng ating Panginoong Hesukristo.

Ang mga panalangin sa paghahandog ng tinapay at alak ay hango sa gawi ng mga Hudyo sa pagbabasbas sa tinapay at alak na gamit ng puno ng pamilya bago sila kumain ng piging na pam-Paskuwa. Tahimik lamang na dinadasal ng pari ang mga panalangin habang iniaalay ang tinapay at alak sa Diyos.

ourparishpriest 2023