IKA-19 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
HUWAG MATAKOT; BASTA MANAMPALATAYA!
MT. 14: 22-33
MENSAHE
Kitang-kita ang takot ng mga alagad sa Mabuting Balita ngayon. Akala nila may multo kaya nagsigawan sila sa takot. Nang lumalakad si Pedro sa tubig, tulad ni Hesus, lumubog siya dahil natakot siya sa malakas na hangin. May itinatago akong sipi mula sa isang preacher na aking narinig at nais kong ibahagi ito sa inyo: “Huwag paganahin ang takot. Paganahin ang pananampalataya. Huwag ilagay ang tiwala sa iyong mga takot. Ang takot at pananampalataya ay tila taliwas subalit may pagkakatulad ang mga ito; kapwa sila nagsasabi sa atin na maniwala sa hindi natin nakikita. Sinasabi ng takot na maniwala sa negatibo; sinasabi ng pananampalataya na maniwala sa positibo. Ang babala ng takot, hindi ka na magiging masaya; ang pangako ng pananampalataya ay darating pa lang ang iyong maliligayang araw. Kung ano ang pinag-iisipan mo, ito ang nagaganap. Kung maghapon kang nag-iisip sa iyong mga pangamba, mangyayari nga ang mga iyan. Malulumpo ka at malulugmok na lamang ang kayamanang taglay mo sa puso mo. Mangingibabawa lagi ang takot sa iyo. Kapag hinayaan mo ito, pananatiliin ka ng takot mo na gising magdamag. Nanakawin ng takot mo ang kaligayahan at kasiglahan mo. Bakit hindi ka tumutok sa pananampalataya? Pabayaan mo sa Diyos ang iyong takot. Lalakas lang iyan kapag lalo mong pinapansin. Kahit ang munting takot kapag laging iniisip, lumalaki.” Sana nadinig ito ni Pedro at ng mga alagad. Mapalad tayo kasi kaya pa natin itong pakinggan, paniwalaan, at isabuhay ngayon kung kalian nagbabanta ang ating mga takot na patayin ang ating kagalakan at kapayapaan.
MAGNILAY:
Masdan mo ang iyong buhay at tanungin ang sarili kung may sapat ka bang pananampalataya upang labanan ang iyong mga takot sa buhay? May pananampalataya ka bang pinuno ka ng Panginoong Hesus ng kapangyarihan upang harapin at malampasan ang anumang kinakaharap mo ngayon na suliranin? Makipag-usap sa Panginoong Hesus tungkol sa iyong mga takot at humingi ng pananampalataya na malupig mo ang mga ito. Ilagay ang pananampalataya kay Hesus na laging naririto upang sagipin tayo tulad ng ginawa niya kay Pedro. Ourparishpriest 2023