Home » Blog » IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

IKA-23 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A

MAPANGANIB NA PAGMAMAHAL

MT. 18: 15-20

MENSAHE

Sa daigdig natin ngayon, maraming klase ng pagmamahal. May malambot at pabayang pagmamahal at may mahigpit at matatag na pagmamahal. Mayroon ding pagmamahal na may kondisyon at hinihinging kapalit at pagmamahal na walang anumang kondisyon o anuman kapalit na inaasahan. Ngayon, isang uri ng pagmamahal ang ipinakikilala sa atin ng Panginoon, ang mapanganib na pagmamahal. Sa unang pagbasa (Ezek 33), sinasabing may pananagutan tayo na mag-alala sa ating kapwa. Sa ikalawang pagbasa (Rom 13), iginigiit na utang natin sa kapwa na mahalin sila tulad ng pagmamahal natin sa ating sarili. Sa Mabuting Balita naman, malinaw sa mga kataga ng Panginoong Hesus na mahalaga ang pagtutuwid at pagtatama ng ating mga kapatid. Ang pagtatama sa kapwa ay magandang paraan ng pakikitungo sa iba, subalit ito din ay mapanganib na pagpapakita ng pagmamahal. Bakit? Kasi, sa pagtatama, dapat may salubungan. Kapag nilapitan mo ang kapwa upang sabihin ang iyong napapansing mali at ibigay ang iyong opinion upang itama ito, nanganganib kang magtamo ng galit, pagdududa at pagkasuklam niya sa iyo. Ilang magandang hangarin na magtuwid ng kapwa ang nauwi sa pagkasira ng pagkakaibigan, sa pagkawasak ng ugnayan sa pamilya, at maging sa panlalamig ng mag-asawa sa isa’t isa. Bagamat maraming tao pa rin ang mababang-loob sa pagtanggap ng pagtutuwid, tila mas marami ang kumakapit sa kanilang kayabangan, kahambugan at maling mga prinsipyo sa buhay. Palagay ko naranasan na din ninyo ito! Ganito din ang naganap sa Panginoong Hesus nang itama niya ang pananaw ng mga tao sa kanyang paligid; nauwi ito sa kanyang kamatayan! Ang pagtutuwid sa kapwa ay mapanganib na pagmamahal subalit ito din ay tunay at tapat na pagmamahal kahit pa umani ng hindi pagkakaunawaan, ng poot at ng paglayo o pag-iwas ng taong nais nating ituwid at nais nating akayin sa tamang landas.

MAGNILAY

Anong mga hakbang ang ginagawa mo kapag nakita mong may ginagawang mali ang kapwa mo? Mas nananaig ba sa iyo ang takot na baka layuan o awayin ka niya kaysa matapat mong paghahangad na mailigtas siya sa kamalian? Mahal mo ba talaga ang iyong kapwa na kaya mong tanggapin na hindi ka niya maunawaan sa mabuti mong hangarin ng pagtatama at pagtutuwid ng landas?

ourparishpriest 2023