IKA-24 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON A
HUWAG KANG MAGPATAWAD
MT. 18: 21-35
MENSAHE:
Una, huwag kang magpatawad kung sa tingin mo ikaw ay perpekto, dahil ang mga perpekto hindi nagkakamali. Wala kang kahinaan at kapalpakan sa sarili e. Dapat lahat ng tao ay tulad mo. Mahirap kang magpatawad sa sala o kahinaan ng iba dahil hindi mo ito nararanasan sa sarili mo (at least, yun, ang sabi mo). Ikalawa, huwag kang magpatawad kung masaya kang may bitbit laging pabigat sa puso at isip mo. Mayroong nag-iisip na lamang o angat ka sa kapwa mo kung may dala kang galit o pagkamuhi dahil tila mas mataas ka sa iba, katatakutan ka ng iba, at iiwasan ka ng iba. Ikatlo, huwag kang magpatawad kung sa tingin mo, hindi mo kailangan ang Diyos, o hindi ka naniniwala sa salita niya. At bakit nga, gayung perpekto ka nga pala? Mas magaling ka pa sa Diyos na laging nagpapatawad sa lahat ng tao sa lahat ng sandali (maliban sa iyo na walang kasalanan di ba?). Pero ikaw, mas kumportable kang nakakapit sa galit, poot at paghihiganti kaysa kapayapaan, pagkakasundo, at pagkaka-unawaan. Sigurado ka din naman kasi na walang balakid o hadlang na pipigil sa iyong pagpasok sa langit sa oras ng paghuhukom kapag namatay ka. Kaya, kung ikaw ay alinman sa nabanggit, huwag kang magpatawad, kung diyan ka masaya!
MAGNILAY
Nais mo bang makinig sa mga salita ng Panginoong Hesus? Nais mo bang makalaya na sa kulungan ng nakaraang sama ng loob at nakalipas na mapait na karanasang dulot ng tao o pangyayari? Gusto mo na bang hilumin ni Hesus ang iyong puso, buhayin at palakasin muli ang nawala mong galak at kapayapaan ng isip? Gusto mo bang mapatawad ka ng Panginoon pagharap mo sa kanya sa pintuan ng langit sa araw ng iyong paghuhukom? Kung gayon, hilingin ang biyayang makapagpatawad ng kapwa upang makaranas din ng pagpapatawad ng Diyos. Ourparishpriest 2023