Home » Blog » KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK B

KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK B

KUNG HINDI BANAL NA PAMILYA

LK. 2; 22-40

MENSAHE

Parusa ba sa atin ang kapistahang ito? Kayganda nga pagmasdan ang Banal na Pamilya – iyan ang dapat, iyan ang perfect! At paano naman? Ang ina ay birheng matimtiman, ang ama ay matuwid at matapat na tao. Idagdag mo pa ang Anak, na tunay na Anak ng Diyos! Hindi ka ba naman maging Banal na Pamilya niyan?

Pero ang mga pamilya ngayon, kaydaming hamong hinaharap. Nauunawaan ng Diyos ang sakit ng mga pamilyang nawawasak. Maganda ang profile photos natin sa social media pero sa likod nito ang daming hindi pagkakaunawaan at hindi pakikipag-ugnayan sa loob ng ating tahanan. Isama pa diyan ang isyu ng pinansyal, kalusugan, mental health na hinaharap ng mga miyembro ng pamilya. Kaya, paano nga kung ang pamilya natin e malayo sa Banal na Pamilya?

Handog ng Mabuting Balita ang isang pag-asa para sa mga pamilya ngayon. Sabi sa simula, dinala ni Jose at Maria ang Sanggol na Hesus sa Templo. Inialay nila ang bata sa Diyos para mabasbasan; at humingi na rin sila ng biyaya para sa kasalukuyan at darating pang mga pangangailangan. Banal nga sila, pero hindi sila ligtas sa mga problemang dadaaanan ng lahat ng nabubuhay… baka higit pa nga ang naghihintay sa kanila!  At lingid sa kanila, paglaki ni Hesus, siya naman ang mag-aalay sa Ama sa kanyang ina at ama-amahan sa lupa, habang iniaalay niya ang sarili sa Ama para sa kaligtasan ng daigdig.

Ayun pala! Ialay ang pamilya sa Panginoon. Kung madaling tipunin ang pamilya pag Linggo para magsimba, iyan ang pagkakataon para ialay ang pamilya; pag may ayaw sumama, kahit isama na lang muna sa panalangin; iyan ang pag-aalay na maaaring gawin. Iyong hindi mo kasundo o iyong may malaking pinagdadaanan sa buhay, kailangan ng tulong espirituwal niyan; mag-alay ng sakripisyo para sa kanila. Ang pamilyang maayos ay maganda. Pero kung hindi ganito sa inyo, ialay ninyo ang mga miyembro ng pamilya ninyo sa diwa ng panalangin – mabisa at kaaya-aya ito sa mata ng Panginoon ang ganitong panalangin.

MAGNILAY

Sa pagsisimba mo ngayon, pasalamatan ang Diyos sa iyong pamilya, kahit hindi perpekto, kahit hindi plantsado lahat. Ang mga mantsa, ang mga gusot, ang mga topak sa pamilya natin, itaas natin sa Panginoon. Minsan ibinilin ng lolo ko na tuwing tatanggap ako ng Komunyon, alalahanin ko daw banggitin sa dasal ko ang pangalan niya. Tila maganda nga at mabisang kaugalian ito na magagawa natin para sa ating mga pamilya.