PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOON B
ANG MAGING “CHRISTIFIED”
LK 2: 1-14
MENSAHE
Ang ipinagdiriwang natin ay hindi lamang isang tagpo, kundi isang dakilang pangyayari, isang makasaysayang sandali. Sa Pasko, nililingon natin na 2000 taon na ang nakalipas, dumating “ang kaganapan ng panahon.” Pinili ng Diyos, bunsod ng pagmamahal, na lumusong sa kasaysayan bilang tulad natin, sa pagkatao ng kanyang Bugtong na Anak, ang ating Panginoong Hesukristo. Lampas man sa panahon at kasaysayan, nagpasya ang Diyos na maranasang maging bahagi ng ating kuwento, at naging kapatid at kaibigan natin. Dahil dito, tunay niyang naunawaan ano ang maging tao, at maturuan tayo kung paano naman maging tunay na tao ayon sa mata ng ating Amang Manlilikha. Kahanga-hangang pangyayari ang Pasko, at sabi nga ng awitin: “Nagdiriwang Mundo’y muling umasa, Bagong araw, Ngayo’y narito na” (O Gabing Banal).
Subalit tandaan nating hindi lang tayo gumugunita sa nakaraan. Ang Pasko, ang “pangyayari,” ay nagsimula ng “proseso” na tinatawag na Christification. Oh, huwag masindak sa salitang ito, Christification – pagiging Kristo. Ibig sabihin lamang nito, na noong yakapin ni Hesus ang ating pagkatao, iniugnay niyang lubos ang sarili sa atin at sa ating mundo na naiwan niya dito ang marka ng kanyang presensya. Tayo ay nabago at naging tulad ni Kristo. Ang mundo ay nagtaglay ng kanyang yapak, ng kanyang halimuyak, at ng kanyang mensahe ng pagmamahal. Ito ang pakay ng Pagkakatawang-tao ng Diyos Anak – hubugin ang mundo na kalarawan ng Anak, na masdan ang mundo kasama ang Anak, at gawin tayong mga panibagong Kristo sa ating kanya-kanyang paraan.
Tayo ay naging Christified – naging tulad ni Kristo – dahil sa Pasko. Subalit ito nga ay proseso, patuloy na nagaganap pa. humahadlang kasi ang kasalanan natin, tumatanggi kasi ang pagkamakasarili at pagkagahaman natin sa biyayang alok ng Diyos. Kaya sa Paskong ito, buksan natin ang ating puso sa patuloy na proseso ng pagiging Christified – tulad ni Kristo – ngayon at araw-araw.
MAGNILAY
Sa harap ni Hesus sa Belen, magpasalamat tayo sa okasyong ito ng pag-ibig niya. Pagnilayan din natin kung gaano na ba natin tinanggap na maging tulad niya, na maging Christified, o kung ano pa ang mga balakid sa ating buhay tungo sa prosesong ito. Habang inaalala natin ang ating mga minamahal sa buhay, ipagdasal natin sila din ay maging bukas sa biyayang handog ng Pasko, ang maging tulad ni Kristo, ang maging Christified!
“we pray for peace in the Philippines and in the world…”