Home » Blog » IKALAWANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKALAWANG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

NARITO ANG KORDERO!

JN 1: 35-42

MENSAHE

Sa Misa naririnig natin ang pari: Ito ang Kordero ng Diyos!” At ibinabalik tayo sa tagpong ito ng ating ebanghelyo. Nang makita ni Juan na dumadaan si Hesus, hindi niya mapigilang maalala ang propesiya ni Isaias tungkol sa “tupang nakatakdang patayin,” ang Nagdurusang Lingkod na tutupad sa kalooban ng Ama at magliligtas sa mga tao sa kasalanan. Nang marinig si Juan, tumayo ang dalawang alagad nito na tila nabatobalani at sumunod kay Hesus sa landas na hindi nila alam kung saan hahantong. Isa sa dalawa, si Andres, hinatak pa ang kapatid na si Cefas at dinala sa Panginoon. Si Cefas, na ngayon ay Pedro, naging alagad na din.

Nararamdaman ba ninyo ang bugso ng lakas dito? May taglay si Hesus na nakakatimo sa puso ng mga tao upang hanapin siya, sundan siya, pakinggan siya, at lumapit sa kanya. May pagnanasa ng puso na natutugunan, may pangakong natutupad, may pagkabalisa na napapayapa ng taong ito na si Hesus. Nakita nila sa kanya ang Mesiyas na hinihintay, ang Tagapagligtas na darating. Ang mga salita ng Panginoong Hesus: Halikayo! – ay lalong nagpaigting ng pagnanasang makinig sa kanya at sumunod. Isang araw, si Andres ay ipapako sa krus na pa-ekis, at si Pedro sa krus na patiwarik. Balewala ang lahat ng ito. Walang hirap, walang dusa, walang pagsubok na makapapantay sa pinakamagandang natuklasan nila noong araw na iyon.

MAGNILAY

Pakinggang mabuti ang pari sa susunod na Misang dadaluhan mo; titigan ang Katawan ni Kristo habang sinasabi niya: Narito ang Kordero ng Diyos! Tumitibok ba ang puso mo, nasasabik ka bang nasa harap ka ni Hesus na Tagapagligtas ng lahat? Naririnig mo ba ang tawag niya sa iyo? Tulad ng mga unang alagad, kaya mo bang ialay ang buong puso, buong buhay sa kanya, at magtiwalang dadalhin ka niya sa isang bagong pakikipagsapalaran sa buhay? “O Kordero ng Diyos na nag-aalis ng mga kasalanan ng mundo, maawa ka sa amin!”