KAPISTAHAN NG EPIFANIA (TATLONG HARI) B
SA KANYANG LIWANAG
MT. 2: 1-12
MENSAHE
Mga Pantas mula sa Silangan, bakit ninyo hinahabol ang tala? Sa pag-aaral ninyo ng kalawakan, kaydami na ninyong natuklasang mga bituin doon. Ano ang katangi-tangi sa isang ito? Paano ninyo naramdamang may lihim ang tala na nais ibunyag sa lahat? Tama, ang talang ito, ang tala ninyo, ang mag-aakay sa inyo sa tunay na Liwanag. Naghihintay sa inyo ang isang batang paslit, sa munting kubo ng kanyang payak na mga magulang. Subalit huwag malinlang; ang Batang ito ang nagkatawang-taong Anak ng Diyos, ang Liwanag ng daigdig. Ngayon siya ay kapatid, kaibigan at liwanag ninyo. Nagkakatotoo na sa inyo ang sinabi ni Isaias: “nababalot ng dilim ang daigdig, nalalambungan ng ulap ng mundo, subalit liliwanagan kayo ng Diyos ng kanyang kaluwalhatian.” Dahil hinanap ninyo siya, dahil natagpuan ninyo siya ngayon, dahil pinatuloy ninyo siya sa inyong puso, tataglayin ninyo ang Liwanag na iyan palagian sa inyong buhay!
Ikaw naman, Ginoong Herodes, bakit galit ka sa talang ito? Ano ang ikinatatakot mo sa malayo at kakaibang bituin? Nag-aatubili kang lumabas sa kadiliman dahil nahirati ka na dito. Hanggang ngayon, ang alam mo lamang ay ang makuntento sa dilim – ng kasalanan, ng kapangyarihan, ng galit, ng inggit, ng pagpatay. Bakit mo tatanggihan ang tala na magdadala sa iyo sa liwanag? Ang Batang si Hesus ay hindi mo kalaban, hindi katunggali, kundi isinilang upang maging Tagapagligtas mo din. Nagdurugo ang puso niya habang nakikitang sadlak ka sa kadiliman at walang pagnanais na kumawala dito. Naghihintay ang Batang ito na bigyan mo ng pagkakataong makapasok sa puso mo. Siya ay awa at kapatawaran ng Diyos.
MAGNILAY
At ikaw naman, puso ko, maglaan ng sandali na masdan ang mga palamuting Christmas light at parol sa tahanan mo. Bakit mo ba inilagay ang mga ito? Para palamuti, tama, subalit para sa isang mas malalim na dahilan din. Ang mga ilaw na ito sa tahanan mo ay sagisag ni Hesus na Liwanag ng Pasko. Nakatagpo mo ba siya muli sa panahong ito ng Adbiyento at Pasko? Sinariwa mo ba ang iyong pakikipagkaibigan at pagmamahal sa kanya? Bago tuluyang matapos ang panahon ng Kapaskuhan, manalangin kang siya ang maging Liwanag ng buhay mo palagian.