KAPISTAHAN NG SANTO NIÑO B
PAGKALITO SA SANTO NIÑO
MK 10: 13-16
MENSAHE
Ang debosyon sa Santo Niño, bagamat kalat sa buong mundo, ay higit na masigla dito sa Pilipinas. Ang ating pagmamahal sa kanya ay nakaugat sa ating pagkilala sa katotohanang ang Anak ng Diyos na si Hesus, ay nagkatawang-tao at isinilang ng Mahal na Birheng Maria. Bagamat ang orihinal na imahen ay nasa Cebu, maraming lugar ang umangkin sa Santo Nino, at maraming paglalarawan sa kanya din ang umusbong – bilang Santo Nino Panadero, Bumbero, Doktor, Sastre, at maging Palaboy.
Sa init ng debosyon, marami naman ang nahulog sa patibong ng maling paniniwala na ang Batang Hesus ay isa lamang talagang bata – palaging maamo, malambing, madaling utuin at gamitin ng tao tungo sa pagkaganid sa kapangyarihan, kasikatan at kayamanan. Lumitaw ang mga bersyon ng Santo Nino na taliwas sa katanggap-tanggap na tunay nitong imahen. Halimbawa, ang Santo Niño de la Suerte na “pampa-suwerte” nga sa salapi, yaman, ari-arian at tagumpay sa sugal o negosyo. Tinatawag din itong Santo Niño de la Pera dahil may dalang buslo ng barya. Kitang-kita na lihis na ito ang mga imaheng ito sa mensahe ng Pagkakatawang-tao ni Kristo. Kaya ang mga ito ay tinuligsa na ng mga lider ng simbahan, lalo na sa Cebu, na sentro ng debosyon.
Kamakailan napag-usapan ang kontrobersyal na Santo Niño Hubad o Hubo. Ang imahen ay isang hubad na batang mistulang Santo Niño subalit may malaking ari o private part. Gamit bilang anting-anting, bukod sa suwerte at yaman, isa din daw itong gayuma sa paghahanap ng kasintahan o asawa at nagbibigay lakas daw sa pagtatalik. Kaalinsabay ng imaheng ito ang mga mali-maling salitang Latin na tila magic formula para maging mabisa daw ang panalangin. Ang imaheng ito at ang paggamit dito ay ipinagbawal na din dahil sa mali at liku-likong debosyon dito.
Sa gitna ng mga kamalian, ang pista ng Santo Niño ay humahatak sa ating pansin tungo sa pangunahing mensahe ng ebanghelyo – na ang Diyos ay pumasok at sumali, sa ating kasaysayan at nakibahagi sa ating buhay sa pamamagitan ni Kristo Hesus. Paalala ito ng kanyang buhay at mensahe at hindi dapat baligtarin o baguhin ito dahil sa mga pagnanasa ng mga tao sa makamundong mga bagay lamang.
MAGNILAY
Binibigyang-diin ng ating pagdiriwang ng Santo Niño ang dakilang pagmamahal ng Diyos at tiwala niya na kaya nating makipag-ugnayan sa kanya. Sa ugnayang ito, siya ang dapat kilalanin na Panginoon, at tayo, ang kanyang mga tagasunod. Balikan mo nga ang mga pagkakataong minsan ay natutukso tayong gamitin ang Diyos upang umayon sa ating kagustuhan at hindi sa kanyang kalooban. Manalangin na magkaroong ng puso tulad ng bata – matapat na nakikinig at mababang-loob na sumusunod sa Panginoon, sa pagkilalang siya ang Panginoon, at hindi tayo.