Home » Blog » LINGGO NG PALASPAS B

LINGGO NG PALASPAS B

MASDAN SI KRISTONG NAKAPAKO

MK 14: 1 – 15: 47

MENSAHE

Panginoong Hesus, bayaan mong masdan kita sa Krus ngayong linggong ito. Mapuno nawa ako ng hinayang at hiya sa mga kasalanan kong nagdala sa iyo sa kamatayan upang maligtas lamang ako. Kulang ang mga salita upang pasalamatan ka sa napakalaking biyayang ito. Panginoon, magdulot nawa ang aking pagninilay sa iyong paghihirap at kamatayan ng pagkamulat ko sa mga tao sa paligid ko na dumadaan din sa maraming sakit at hirap. Tulad mo, maiabot ko din nawa sa mga nagbabata ng pisikal, mental, emosyonal, o espirituwal na sigalot sa buhay ang anumang aking maiaalay… gaano man kaliit ito.

Ang iyong Krus ang paghihilom na kailangan ng buhay ko ngayon… ang kailangan ng mundo. Mula sa Krus, dinadalaw mo bawat isa sa amin na dala ang pagpapatawad, kapayapaan at pagmamahal. Turuan mo po akong iugnay ang mga pangaraw-araw kong pakikibaka sa Krus mo, na maging mulat na sa akin ding paghihirap, tinatawag mo akong makiugnay sa aking kapwa. Hindi po ba sinabi ng iyong apostol na kung may isang bahagi ng katawan na nahihirapan, nadarama ito ng lahat ng bahagi? Alam ko po, Panginoon, na namatay kang walang sala samantalang ako ay karapat-dapat maghirap dahil sa aking pagkamakasarili at pagkakasala. Subalit bakit ganoon, sa krus, habang pinagmamasdan kita, wala akong nadaramang panghuhusga, pagkagalit o paninisi? Tanging pag-ibig mo ang nadarama ko na dumadaloy pababa sa Krus at patungo sa uhaw kong puso at kaluluwa.

MAGNILAY

Maglaan ng panahon upang pagmasdan at magdasal sa harap ng isang Krus sa Semana Santang ito, sa bahay man o sa simbahan. Iugnay mo ang mga dalahin at pasanin ng buhay mo sa mga paghihirap ng Panginoon Hesus. Hingin mo sa kanya na matuto kang maging mahabagin at mapagmahal kaysa mareklamo, magagalitin o mainipin. Iwanan mo lahat ng bitbit mo sa iyong balikat at kimkim sa iyong puso sa paanan ng Krus at doon makatagpo ka ng paghihilom ng pag-ibig. Makiisa sa mga pagdiriwang sa parokya, mag-Kumpisal, at manatili sa paanan ng matagumpay na Krus ni Kristo.