DAKILANG KAPISTAHAN NG PAG-AKYAT NI HESUS SA LANGIT B
PAGBI-BIYAYA, HINDI PAGPAPABAYA
MK 16: 15-20
MENSAHE
Ang tagpo ng Pag-akyat sa langit ng Panginoong Hesus ay may kalakip na positibo at negatibong aspekto. Ang kawalan (negatibo) dito ay ang paglisan ng Panginoon sa kanyang katawang pisikal. Kaya nga madalas sa mga paglalarawan, ipinakikitang si Hesus ay nagpapaalam sa mga alagad habang nakalutang sa ere papalayo sa kanila. Ang kalamangan (positibo) naman dito ay ang bago, makapangyarihan, at mahiwagang presensya niya sa pamamagitan ng mga alagad niya. Ang tila sa unang sulyap ay pagpapabaya ay isa palang pagbi-biyaya.
Nagkaloob ang Panginoon ng kamangha-manghang mga kapangyarihan – laban sa demonyo, sa lason, sa panganib – at ng lakas para magsalita, magpagaling, at mangaral. Pero kung susuriin, hindi ba ang mga ito mismo ang sarili niyang mga kapangyarihang ipinakita dito sa lupa? Kaya, hindi man nakikita ng mata, subalit ang mga alagad na ngayon ang magpapadama sa presensya ng Panginoon sa pagtanggap nila ng mga kaloob na tulad ng tinanggap ni Hesus mula sa Ama. Subalit ilan kaya sa mga Kristiyano ngayon ang nagpapamalas ng ganitong mga handog? Ilan ang talagang nagsasabuhay ng kapangyarihang bigay ng Panginoon para sa kanilang buhay-Kristiyano? Kung aalalahanin ang mga madla na nakisali, nakilahok, at nagdiwang nitong nakaraang mga Mahal na Araw, mapapaisip ka kung ilan sa kanila ang nagbibigay puwang kay Hesus upang kumilos sa kanila at sa pamamagitan nila sa ating mundo ngayon.
MAGNILAY
Ibaling natin ang isip sa ating sarili. Pagnilayan natin ang Pag-akyat ni Hesus sa langit hindi bilang pagpapabaya kundi pagbi-biyaya ng Panginoon sa atin. Hilingin nating tunay tayong maging mga saksi, maaaring hindi kasing tindi ng ginawa ng mga unang alagad, kundi sa pamamagitan ng mga mumunting kabutihang patuloy na nagpapakita ng kanyang presensya at pagmamahal sa mga tao ngayon – kababaang-loob, kabaitan, kahinahunan, kapayakan at kagalakan.