Home » Blog » IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-12 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

KASAMA MO BA SIYA SA IYONG BANGKA?

MK 4: 35-41

MENSAHE

Sa Bibliya, ang bangka ay sagisag ng kaligtasan at pangangalaga; tulad ng arko ni Noe… Tanda din ito ng pananampalataya at tiwala sa Diyos. Sa Mabuting Balita, inilalarawan ang mga alagad sa bangka kung saan, isinama nila si Hesus. Hindi sila-sila lamang ang naglalakbay. Naroon ang Panginoon sa piling nila. Isang mabuting pasya ang ginawa nila.

Ang bangka ay hudyat at paalala din ng mga panganib, ng karupukan ng buhay. Ang bangka ay hindi para sa pantalan kundi para sa tubig, subalit ang tubig maging ng ilog, lawa, o dagat ay mapanganib at taksil. Isipin na lang ang kuwento ni propeta Jonas… Sa paglalakbay ng mga alagad, biglang dumating ang malakas na unos at tila mamamatay silang lahat. Mabuti at naalala nilang lapitan ang Panginoon. Pinatahimik ni Hesus ang tubig at hangin, at pinapayapa ang puso ng mga takot na alagad. Natapos ang paglalayag nila na ligtas at tagumpay dahil ang Panginoong Hesukristo ang pinakamagaling at pinakamaaasahang kalakbay.

MAGNILAY

Inilalarawan ng Mabuting Balita ang buhay pananampalataya. Bilang mga tagasunod ni Hesus, inaanyayahan ba natin siya sa ating mga bangka… ang bangka ng buhay, ng pakikipagsapalaran, ng pakikibaka? Tumawag sa Panginoon sa lahat ng sandali, subalit lalong lumapit sa kanya na may matibay na tiwala at pananalig sa gitna ng mga unos at bagyo ng buhay. Manalig tayo sa kanyang makapangyarihang salita at tulad ng mga alagad, patuloy na mamangha sa kanyang lakas at proteksyon sa atin.