IKA-13 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
DALA NIYA’Y PAG-ASA!
MK 5: 21-43
MENSAHE
“Panginoong Hesus, nakita mo po ang batang wala nang buhay. Bakit mo sinabing tulog lang siya? Ano ba ang ginagawa ninyo, nagbibigay ng ‘positive thinking’ sa pamilya? Nais mo lang bang pasayahin ang mga nagluluksa at naninimdim? Meron pa bang magagawa sa isang patay na? Alam mo Panginoon, ang ‘positive thinking’ ay ang katiyakan sa isang bagay dahil may mga tanda na gaganda pa ang situwasyon. Ang ‘positive thinking’ ay ang pag-iisip ng positibo dahil may aasahan pa naman. Subalit tila hindi ito ang ibinahagi mo sa pamilya ng batang namatay.
Kakaiba ang dinala mo sa kanila… mas malalim, mas matibay, mas maaasahan. Binigyan mo po sila ng PAG-ASA! ‘Hindi siya patay, kundi natutulog lamang.’ Subalit hindi madali ang pag-asa dahil hindi ito batay sa magandang prediksyon o hula. Nagaganap ang pag-asa kapag ang puso ay wala nang ibang babalingan kundi ang Diyos lamang. Kaya nga ito ay makalangit na regalo ng Diyos, tulad ng dalawa pa nitong kapatid: ang pag-ibig at ang pananampalataya.
Panginoong Hesus, ngayon tinuturuan mo kami, higit pa sa ‘pag-iisip ng positibo,’ na magkaroon ng ‘buong-buo at nagtitiwalang pag-asa’ sa pagmamahal ng Ama, sa iyong Salita, at sa kapangyarihan ng Espiritu. Nawa makita din naming mabubuhay ang mga patay, sasaya ang mga nananangis, at bumubukal ang ligaya sa wasak naming puso at wasak naming daigdig.”
MAGNILAY
May situwasyon ba sa buhay mo ngayon na tila wala nang remedyo, lanta at tuyot na, o tuluyan nang lumipas? Lumapit sa Panginoong Hesus at ilagay ang pag-asa sa kanyang mga kamay. Kung saan nakikita natin ay kamatayan at naaamoy ang kabulukan, si Hesus nakikita niya ang buhay at nararamdaman ang mga posibilidad na magaganap pa. Masanay na magdasal para sa pag-asa! Hesus, nagtitiwala ako sa iyo! Hesus, umaasa ako sa iyo!