Home » Blog » IKA-SAMPUNG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-SAMPUNG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

BAKIT MATIGAS ANG PUSO?

MK 3: 20-35

MENSAHE

Ngayong balik Karaniwang Panahon tayo, matutunghayan natin sa Mabuting Balita ang dalawang grupong lumapit kay Hesus. Nariyan ang mga kamag-anak niya at mga eskriba na nagtulong pumintas sa kanya, na siya daw ay nababaliw o kakampi ng demonyo. Nariyan din naman ang isang maliit na grupo, na sabik makinig, matuto, at magsuko ng sarili nila sa Panginoong Hesukristo. Para sa Panginoon, ang mga ito ang kanyang bagong pamilya, ang kanyang “ina at mga kapatid.”

Maging sa mga Katoliko, tulad ng unang grupo, nakapagtatakang marami ngayon ang hindi naniniwala, sumusunod o aktibo sa pagsunod kay Hesus sa simbahan o kaya ay tumalikod na dito. May ilang dahilan sa kanilang pag-alis o sa hindi pagiging masigasig. Marami ang hindi tunay na nauunawaan ang pananampalataya, o kaya ay sumasalungat sa mga aral nito. Ang iba ay doon daw sa ibang fellowship nakakakuha ng espirituwal na paglago, samantalang ang iba ay hindi sang-ayon sa mga pangyayaring nagaganap sa simbahan.

Higit pa dito, dumarami din ang nadadala ng impluwensya ng makabagong kultura. Iyong mga panatag ang buhay, akala nila ang pananampalataya ay para lamang sa mga mahihirap. Iyong mga nakaririwasa na, iniisip na hindi nila kailangan ang tulong ng langit. Iyong nagpapahalaga sa kanilang kalayaan ay natatakot isuko ito sa Panginoon. Iyong mahilig sa tagumpay ay takot sa mensahe ng simbolo ng pananampalataya – ang Diyos na nakapako sa Krus. Kaya nga, para sa mga taong may pananampalataya, isang misyon ang ipagdasal ang mga taong nabanggit at gawin ang makakaya upang gabayan sila pabalik o patungo sa Diyos.

MAGNILAY

Kung nagbabasa ka nito, tiyak na mahalaga ang pananampalataya sa iyo o naghahanap ka ng saysay sa pananampalataya mo. Tandaan mong malugod kang tinatanggap ng Panginoon sa kanyang bagong pamilya. Ipanalangin mong maging kasangkapan ka sa pagkakilala ng iba sa Panginoon, ng kanilang pagbabalik sa pananampalataya at sa simbahan, sa pamamagitan ng iyong salita o gawa.