Home » Blog » IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

IKA-16 NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B

MASDAN ANG GUTOM NA MADLA

MK 6: 30-34

MENSAHE

Isang gabi, ipinadala ng pari ang isang grupo ng mga seminarista sa malayong nayon sa gitna ng kagubatan sa Palawan. Inatasan silang magturo sa mga tao doon tungkol sa pananampalataya dahil bihira silang madalaw ng pari. Mahaba ang paglalakbay at ang mga seminarista ay nainip, nabagot at inantok na. Nagduda din sila kung may darating bang mga tao sa ganoon kalayong kapilya sa gitna ng kagubatan. Subalit mula sa kadliliman, narinig nila ang kaluskos ng mga dahon, pagkatapos ang mga yabag ng mga paa, at mga pabulong na mga salita. Kaydaming tao, bata at matanda, lalaki at babae, ang mula sa iba’t-ibang panig ng gubat ang dumating sa kapilya. Gamit ang ilaw ng kandila, sulo at flashlight, nagturo ang mga seminarista at tahimik na nakinig ang mga tao hanggang sa mag-uumaga na.

Tulad sa panahon ni Hesus, ngayon din ay matindi ang gutom ng mga tao sa nakabubusog na Salita ng Diyos, at sa presensya ng mga lingkod na maglalaan ng sarili sa kanila. Nakita ng Panginoon ang mga tao na tila mga tupang walang pastol, at walang atubili, kasama ang mga alagad, pinunan ang gutom ng mga tao at ang kanilang uhaw sa pagtuturo, pagpapagaling at kaligtasan.

Nananatili ang malaking pananagutan ng mga pinuno ng simbahan na gabayan ang mga tao patungo sa Diyos. Inaasahan ng mga tao ang mga pari na nariyan kapag kailangan, magbigay inspirasyon at hindi lang magpatawa, humamon at hindi lang mang-aliw, maglingkod at hindi magtago sa maginhawang kumbento o opisina. Kung hindi natatagpuan ng mga tao ang kanilang hinahanap at sa wakas makita nila ito sa labas ng simbahang Katoliko, hindi lang nila ito pagkakamali o pagkukulang.

MAGNILAY

Ngayong linggong ito, ipagdasal natin ang mga lider ng ating simbahan. Maunawaan nawa nilang napakadakila ng kanilang misyon na maglingkod. Huwag sana silang mapagod sa pagtuturo, huwag magtago sa kanilang mga kawan. Lagi nawa silang maging laan sa pagbibigay ng mga sakramento, ng kanilang presensya, at ng kanilang paggabay. Unahin nawa nila ang pagkalinga sa mga mahihirap at hindi ang pagpaparangya ng sarili. Dahil mahal natin ang mga pari, ipagdasal natin ang kanilang katapatan sa kanilang misyon. Sa huli, tayo din ang mabibiyayaan nito.