IKA-15 LINGGO NG KARANIWANG PANAHON B
BUHAYIN ANG MISYON!
MK 6: 7-13
MENSAHE
Pakisuri nga po ang pananaw natin sa umaga: Gumising ka bang may sigla, saya, at handang harapin ang bagong araw? Papasok ka ba sa trabaho na puno ng pananabik at lakas? Mas Madali ka bang magpasalamat kaysa magreklamo? Minsan ba naiisip mong sana ibang tao at nasa ibang lugar ka na lang, o may kasamang iba at napapalibutan ng ibang mga bagay? Hindi lang ito mga simpleng tanong kundi mga damdamin na nagpapakilala sa atin ng ating sarili. Ang mga sagot dito ay magpapasilip sa iyo kung ano ang halaga at misyon mo sa mundo.
Sa Mabuting Balita, isinusugo ng Panginoong Hesukristo ang mga alagad sa misyon ng pangangaral, pagpapagaling, pagpapalayas ng demonyo at iba pang pakikipagsapalaran. At isinabuhay naman nila ang kanilang misyon, ginawa itong pinakapuso ng kanilang buhay, at maging ng kanilang kamatayan. Ngayon, patuloy pa rin ang pagbibigay sa atin ng Panginoon ng misyon ng katapatan sa kanya at kabutihan sa kapwa. Ang puso ng misyon ay pareho para sa lahat – pag-ibig! Kapag umiibig tayo kay Hesus, lagi tayong magiging sabik na mabuhay para sa kanya at maglingkod sa kapwa. May isang magandang sipi mula kay Fr. Pedro Arrupe, dating superyor ng mga Heswita, na maaaring maging gabay sa linggong ito:
“Wala nang higit na kapaki-pakinabang kundi ang matagpuan ang Diyos,
Iyong magmahal nang ganap at wagas.
Kung ano ang mahal mo, kung ano ang iniisip mo, makaka-apekto sa lahat.
Magiging dahilan ito:
Ng pagbangon mo sa umaga,
Ng gagawin mo sa gabi,
Ng pagkaka-abalahan mo sa katapusan ng linggo,
Ng anumang babasahin mo, o aalamin mo, o ng dudurog sa puso mo, at
Ng anumang magpapamangha sa iyo na may galak at pasasalamat.
Magmahal ka, manatiling nagmamahal, at ito ang magpapasya ng lahat.”
MAGNILAY
Sa linggong ito, kung pakiramdam mo ay nagiging mainipin, iritable, magagalitin at tila susuko ka na, tandaan mong ginising ka ni Hesus sa umaga upang bigyan ng pagpapala ang sarili mo, upang gawing pagpapala sa ibang tao, at upang pagpalain mo ang mundo sa paligid mo. Sa panahong nahihirapan ka, sariwain ang pagmamahal mo sa Panginoon, at hingin sa kanya ang lakas upang ipagpatuloy ang iyong misyon.