ANG DIYOS AT ANG MGA ATLETA
Sa panonood lamang ng Paris Olympics 2024, makikita ang paghahalo ng tiwala sa lakas pangkatawan at sa pananampalataya ng bawat atleta. Si Nesthy Petecio ng women’s boxing ay laging nagdarasal na nakayuko sa gilid ng ring bago ang kanyang match. Marami sa mga atletang Katoliko ang naga-antanda ng Krus bago o matapos ang laban, magwagi man o hindi. Maaalalang ang ating unang Olympic gold champion, ang babaeng weightlifter na si Hidilyn Diaz ay may suot na Miraculous Medal habang nasa kumpetisyon noong Tokyo Olympics 2021.
Subalit tila mas marami sa mga atleta ang may isang sinusunod na tanda ng pagtanggap sa gampanin ng pananampalataya sa kanilang pakikibaka, at ito ay ang pagturo ng daliri sa itaas na tila ba iginagawi ang isip ng mga tao sa pinagmulan ng kanilang lakas, sa direksyon ng langit na tradisyunal na isinasalarawan na nasa itaas. Ang pagturo ng mga atleta sa itaas ay sagisag ng pakilala, pasaalamat, at papuri sa Diyos na pinaghugutan nila ng lakas.
Kitang-kita ito sa ngayon ay double gold Olympian, ang gymnast na si Carlos Edriel Yulo ng Paris Olympics 2024 na matapos isuntok sa hangin ang kanyang mga bisig ay tumuturo sa itaas bilang pagpapamalas ng kanyang pananampalataya. Sa kanyang pagtanggap niya ng pangalawang gold medal, hindi lamang siya tumuro sa itaas kundi sinambit pa niya nang malakas sa harap ng camera ang mga salitang: “Oh, God! Oh, God!” Bago ito ay nakita din siyang naga-antanda ng Krus nang matanto niyang nasungkit niya ang kanyang unang gold medal.
Bagamat may naging kontrobersya laban sa relihyong Kristiyano sa opening ceremony ng Paris Olympics, hindi mabubura sa puso ng mga atletang may pananampalataya, bagamat iba’t-iba ang mga ito, na dala-dala nila sa kanilang pagsabak sa larangan ng palakasan ang isang kayamanan ng kanilang career, at ito ay ang pananalig, tiwala, at pag-asa sa Panginoong Diyos!
(photo credit: thanks to Youtube screen grab)