UNANG LINGGO NG ADBIYENTO K
NAKATAYO SA HARAP MO
MENSAHE
Sa mga simbahan ng Silangan, dinadasal ng pari sa altar matapos ang Misa: “Nawa ang tinanggap kong pag-aalay ay magdulot ng pagkapawi ng aking mga kasalanan at kapatawaran sa aking mga pagkukulang upang makatayo akong walang kahihiyan o takot sa harap ni Kristo.” Sa pasimula ng Adbiyento, tandaan natin ang marami nitong kahulugan: tungkol ito sa paghihintay, pag-asa, at kagalakan… subalit tungkol din sa presensya. Ang Darating ay hindi banyaga sa atin. Hindi din siya taga-labas o dayuhan. Narito na siya. Sabi nga doon sa dasal, tayo ay “nakatayo sa harap ni Kristo.” Darating siya, dadalaw, at makikipamahan, subalit isang kabalintunaan din – kahit tayo ay naghihintay, alam nating “nakatayo na tayo sa harapan niya.”
Paano nga ba siya naririto na? Tiyak tayo na kapiling na natin siya sa panalangin, sa bawat Misa, sa pagbubuklat ng Bibliya, sa pagninilay ng Rosaryo. Kasama natin siya sa mga hindi inaasahang sandali ng karamdaman, trahedya, katandaan, pagsubok at maging kamatayan. Sabi ng Mabuting Balita, darating siya at ang hindi nakakabatid na nandito na siya ang siyang magugulat at matatakot. Nakatayo na sila sa harapan niya subalit hindi pala nila siya lubos na kilala. Ang mga taong tulad nito, na manhid sa kanyang presensya, ang dadanas ng pagkawasak.
Nakatayo na tayo sa harapan niya ngayon. Kaya nga ang sabi ng Panginoon ay tumindig at itaas ang ulo upang mapagmasdan ang kanyang kaluwalhatian at kapangyarihan. Hindi tayo nakatayo sa harapan ng isang malupit na huwes o tagapagparusa. Nasa presensya tayo ng Hari ng Awa, ng Hari ng Pag-ibig. Dumarating siya bilang Tagapagligtas, Mangingibig at Kaibigan natin.
MAGNILAY
Ngayong Adbiyento, maging mulat na nakatayo ka sa harap ng Panginoon araw-araw, subalit lalo na kung kailan at kung saan mo siya higit na kailangan. Maging mulat sa kanyang presensya, lalo na sa katauhan ng mga taong nakakasalamuha natin. Ialay lahat sa kanya. Narito siya bilang Pag-ibig. Magbahagi din ng pag-ibig sa panahong ito!