Home » Blog » PAGBIBINYAG SA PANGINOON K

PAGBIBINYAG SA PANGINOON K

HUWAG KALIMUTAN SI NINONG AT NINANG!

LK 3: 15-16, 21-22

MENSAHE

Ang Pagbibinyag sa Panginoong Hesukristo ay mayamang pagkakataon upang tuklasin ang kahulugan ng ating Binyag, ang halaga ng sakramentong nag-akay sa atin sa buhay Kristiyano. Subalit para sa mga hindi converts, tiyak ang Binyag ay malayong ala-ala na nakikita lang natin sa litrato ng araw na iyon. Madalas na ang mga Katoliko kasi ay nabibinyagan bilang sanggol. Kaya nga puspos ang paalala ng pari sa mga magulang na palaguin ang pananampalataya sa kanilang mga anak habang lumalaki ang mga ito.

At mayroon pang isang kalahok sa binyag na hindi dapat kaligtaan – ang ninong at ninang. Sa Pilipinas, ang mga ninong at ninang ay gumaganap hindi lang ng gampaning relihiyoso kundi bahagi ng kultura at ng pamilya din. Sa binyag, paalala ko sa mga ninong at ninang na may tatlo silang pananagutan: sa simbahan, dapat “present” para makasama sa picture; sa handaan, dapat “present” dahil libre naman at umaapaw ang pagkain at inumin; at pag Pasko, huwag maging “absent” kapag kumakatok na ang namamaskong inaanak sa harap ng bahay nila. Bukod sa biro, talagang mahalaga ang mga ninong at ninang sa pagiging tagasunod ni Kristo ng mga batang bagong binyag.

Ang mga ninong at ninang ay tila si Juan Bautista sa Mabuting Balita ngayon. Sila din ay dapat magturo kay Hesus, na siyang nagdadala ng “Espiritu at ng apoy.” Dapat maging salamin ang kanilang buhay ng pagsusumikap na maging mabuting Katoliko sa gitna man ng kahinaan at pagsubok. At tulad ng Diyos Ama, ang mga ninong at ninang ay dapat magpaalala sa mga inaanak na sila ay “kinalulugdang” mga anak ng Diyos. Ang pagbibigay ng regalo sa Pasko ay isang maliit na paraan lamang ng pakikiisa sa Diyos na nagbibigay sa mga inaanak nila ng kanyang mismong sarili sa kalipunan ng simbahan.

MAGNILAY

Kung naging ninong o ninang ka na, bakit hindi mo ipagdasal ngayon ang inaanak mo at hingin sa Panginoon na pagpalain sila at palaguin sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig. Para sa ating lahat naman, panahon din ito upang alalahanin natin ang ating mga ninong at ninang, buhay man o sumakabilang buhay, at pasalamatan ang Diyos na minsan nilang inako ang pananagutan na tuwangan ang ating mga magulang sa gampanin na gawin tayong mabubuting Kristiyano.