Home » Blog » IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

IKA-ANIM NA LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K

PAGDARAHOP O PAGTITIWALA

LK 6: 17, 20-26

MENSAHE

Sinimulan ng Panginoong Hesukristo ang pinakadakilang pangaral sa kasaysayan, ang “Mapapalad” o “Pinagpala,” sa isang pagbabasbas sa karukhaan. Kung tutuusin lahat ng binanggit niya doon ay nasa kategorya ng dukha – ang mga nagugutom, tumatangis, nilalait, itinataboy at iba. Subalit palaisipan kung bakit nga ba para sa Panginoon ang mga dukha ay pinagpala?

May dalawang kahulugan ang karukhaan: una, ang dukha sa materyal na bagay – mahihirap, nagdarahop, nangangailangan. Hindi ito ang sitwasyong tinatawag ng Panginoon na pinagpala. Nais ba niyang dumami ang mga pulubi, refugees ng giyera o kawawang mga nilalang ng Lipunan? Hindi! Mahal sila ng Panginoon at nais niyang wakasan ang kanilang paghihirap, hindi dakilain ito. Ang Kristiyanong bumabale-wala sa mga nangangailangan ay tumatalikod din sa presensya ni Hesus sa kanilang buhay.

Ikalawa, ang karukhaan ng payak o simpleng tao – ang maghangad lamang ng tunay na kailangan. Ito ang karukhaang pinagpala dahil ang simple o payak ay nagtitiwala na ang Diyos ang mangangalaga sa atin ngayon, magkakaloob ng kailangan natin bukas at gagantimpala sa atin sa walang hanggan. Hindi sila tamad o pabaya o waldas. Nagsisikap sila subalit puno din sila ng pananampalataya at pagtitiwala, hindi sa sariling lakas o ari-arian o yaman, kundi sa Panginoong Hesus. Hindi sila nakahilig sa materyal dahil alam nilang walang salapi o kagamitang makabibii ng tunay na kagalakan. Walang yaman sa lupa na makapagdadala ng tunay na kapayapaan.

Habang nais ng Panginoon na tulungan natin ang mga naghihirap, nais din niyang magkamit tayo ng pusong payak, simpleng buhay, at matibay na tiwala – ito ang dukha na mapalad at pinagpala. Dapat tayong mamuhay sa paraang makapagbibigay-buhay din sa iba. Dapat tayong maging pagpapala sa kapwa, tulad ng halimbawa ni Hesus.

MAGNILAY

May pagnanais ba akong magkaroon lamang ng tunay kong kailangan? Ang magkaroon ng sapat lang para sa akin at sa mga mahal sa buhay? Ang makatulong sa iba sa abot ng aking makakaya? O baka naman nakapako, nakatutok, at nakahilig ako sa aking pera, yaman, at mga ari-arian?