IKA-WALONG LINGGO NG KARANIWANG PANAHON K
MAGBUO AT HINDI MANIRA
LK 6: 39-45
MENSAHE
Nabubuhay tayo sa panahong pinababayaan tayo ng teknolohiya na magpahayag nang malaya ng ating saloobin. Subalit nagdulot din ito ng isang kultura ng pagtatago at pagiging malayo, na nagtulak sa mga taong maging matapang pero hindi mapanuri o mapagnilay. Ang paglaganap ng texting, messaging, mga paskil sa social media, trolling, fake news, at pagbaluktot sa katotohanan ay nagbunga ng isang larangan na kung saan madaling pumuna sa mali ng iba habang hindi pinapansin ang mali sa sarili.
Lumitaw tuloy ang henerasyon na sa kasamaang-palad, mas mabilis manira, mang-insulto, mang-bully, mang-blackmail, at manghusgang walang patumangga. Kay dali ngayon pumuna ng kapintasan ng iba, “ng puwing sa kanilang mata,” kahit na may mas mabigat tayong kapalpakan sa ating sarili, ang “troso” sa ating pagkatao. Habang malayang dumadaloy ang mga salita at ang mga kilos ay itinutulak ng damdamin kaysa ng isip, pag-isipan natin: ang mga ito ba ay nakakabuo o nakakasira ng mga ugnayan, ng mga pamayanan at maging ng mga bayan?
Sinabi ni San Francisco de Sales na ang mga taong mas madalas at mabilis manghusga ng kapwa ay iyong mga taong walang laman ang espiritu. Sa kabilang dako, makikita natin sa Mabuting Balita ngayon na ang Panginoong Hesukristo ay nagsasalita mula sa pusong puno ng karunungan, habag at kabutihan. Pagnilayan natin kung saan ba nagmumula ang ating mga salita, mga ugali, at mga kilos kapag tayo ay nagpapahayag, pumupuna, at kumikilos. Tulad niya, nagsisikap ba tayong maging mas mapagpatawad, maunawain, at mapagkalinga sa ating kapwa?
MAGNILAY
Sa linggong ito, ipanalangin natin ang biyayang maging dalisay muli ang ating mga isip at puso. Nawa ang mga salita, kaisipan, mensahe, at kilos natin ay tunay na magdala ng mabuting balita at inspirasyon sa mga taong nasa paligid natin.